PO1 Magada, isa kang bayani

Written by Ressie S Fos | Romblon News

by Ressie Fos, RomblonNews | Sunday, July 19, 2015

Noong nakaraang Miyerkules ay aming naibalita ang pagkawala ng isang maliit na motorbanca mula Cajimos sa bayan ng Romblon patungong Banton lulan ang dalawang pulis na nagbyahe noon pang Martes, at hindi nga ito nakarating sa Banton kung kaya't pinangangambahan na maaring tumaob ito sanhi ng malalakas na alon dulot pa rin ng hanging habagat.

Hindi naman natin matatawaran ang inisyatibo ng ginawa ng Romblon Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) kasama ang Philippine Coast Guard (PCG) sa paghahanap sa magkasamang halos apat (4) na araw na Search and Rescue Operation. To the point, gumamit na sila ng helicopter sa paghahanap, subalit bigo ang mga ito na makita ang bangka at maging ang apat ng mga lulan nito. 

Malaking tulong nga talaga ang social media tulad ng Facebook dahil sa pamamagitan nito ay mabilis na naikakalat ang impormasyon katulad na lamang ng naipost na may natagpuang bangka sa Masbate na pinapaniwalaang iyon ang nawawalang M/B Joanna Karla na sinakyan ng apat katao kasama na nga ang dalawang myembro ng PNP.

Si PO1 Imee Magada ay kaisa-isa at kauna-unahang nakapagtrabaho sa gobyerno mula sa kanyang pamilya, pilit syang itinaguyod ng kanyang magulang at sa tulong na kanyang Tita na isang titser upang sya ay makatapos ng pag-aaral at makapagtrabaho. (Photos grabbed from PO1 Imee Magada's Facebook)

Kasunod ng napabalitang natagpuan na ang bangka sa Masbate ay ang pagkatagpo naman sa bangkay ng isang babae sa Paranan, Pasacao, Camarines Sur, na napagkilanlan nga na bangkay ito ni PO1 Imee Magada, isa sa dalawang pulis na lulan ng nasabing bangka, ayon mismo sa kompirmasyon ng pinsan ni PO1 Magada at ng PDRRMO.

Marami ang nag-abang at umasa na sana ay buhay pa ang mga pasahero kung kayat marami ang nalungkot at nagpahayag ng kanilang simpatiya nang malaman na hindi nagawang makaligtas ni PO1 Magada. 

Nakakalungkot at nakakapanghinayang ang mga tulad ni PO1 Magada bilang isang alagad ng batas at tumutupad lang sa tawag ng kanyang trabaho at tungkulin na kahit may nakaambang panganib ay dapat niyang harapin. Idagdag pa rito na maaaring isa sya sa inaasahan ng kanyang pamilya. Hindi ko lubos maisip yung hirap na dinaanan nya habang nakikipagbuno sa malalakas na alon para iligtas ang sarili na sa huli ay mabibigo din lang pala sya.

Para sa mga naiwang pamilya at mahal sa buhay ni PO1 Imee Magada pati na sa kanyang mga kasama sa PNP at mga kaibigan, kami po sa Romblon News Network ay lubos na nagpapaabot ng aming pakikiramay at dalamhati. Dalangin namin na ang comfort na nagmumula sa ating Diyos ay sumainyo. 

PO1 Imee Magada, isa kang magiting at tapat na alagad ng batas. Kami sa RNN Team ay sumasaludo sa inyo Ma'am.  

Read the Latest Update: Mga Labi ni PO1 Imee Magada, dumating na sa bayan ng Romblon

Read Related Stories: