Hirap nyong espelingin!

Written by Ressie S Fos | Romblon News

Nagpahayag ng pagtutol si Senate President Pro Tempore Ralph Recto nitong Miyerkules, a dyes ng Hunyo 2020 sa plano ng Department of Agriculture (DA) na pataasin ang pag-angkat ng karne ng manok, sa kabila ng sapat na supply sa Pilipinas. Kaugnay din  ito sa rekomendasyon ng DA na limitahan lamang ng mga poultry raisers ang produksiyon ng karne ng manok upang bigyan daan ang pag-angkat nito. 

Sabagay, hindi lamang si Senator Recto ang tumututol dito, kundi maging ang mga grupo ng mga poultry raisers mismo na United Broilers and Raisers' Association o UBRA.

Biruin mo nga naman, bakit kinakailangang limitahan ang produksyon ng mga lokal na poultry raisers para umano bigyang daan ang pag-angkat? Hindi baga dapat ang maging direksiyon ng Bureau of Animal Industry (BAI) eh, mas suportahan pa nga ang mga lokal na poultry raisers upang maging self-sufficient ang bansa sa supply ng karne ng manok? Ang hirap nyo ring espelingin eh. 

Reklamo ng mga poultry raisers at grupong UBRA, sa kabila ng kanilang panawagan, hindi pa rin umano itinigil ng gobyerno ang pang-angkat ng karne ng manok kahit pa may sapat na supply sa lokal na merkado, at dahil dito nagkakaroon ng over supply na nagreresulta sa pagbaba ng farmgate price ng nasabing karne. Sa halip, nirerekomenda ng BAI na e self-regulate at limitahan na lamang ng mga lokal poultry growers ang kanilang produksiyon. 

Subalit nitong Huwebes, June 11, 2020 ay nagpaliwanag din naman si Secretary William Dar ng DA at nilinaw na hindi naman daw umano ipinag-uutos ng pamahalaan ang pagpigil sa lokal na produksiyon kundi ito ay 'miscommunication' lamang, dahil ni minsan ay hindi umano sinabi ng BAI na itigil ang produksyon ng lokal na manok. 

Denepensahan din ni BAI Director Ronnie Domingo na hindi basta umano maipapatigil ang pag-aangkat katulad ng gusto ng UBRA, dahil sa commitment ng Pilipinas sa World Trade Organisation.