U_Spy: Magtiwala sa bakuna pero anong brand nga ba?

Written by Rey Marfil

Parang tinitimbang ngunit kulang mga tropapips ang taktika sa pag-awat sa pagsirit ng COVID-19 sa bansa pagdating sa imperial Metro Manila at mga lalawigan.

Napapansin kasi ng kurimaw nating hindi pa maka-move on sa pagkatalo ni Rabiya Mateo sa Miss Universe, na kapag bumababa ang kaso ng COVID sa Metro Manila eh tumataas naman sa ibang lalawigan.

Iyon nga lang, habang pinupuna ng kurimaw natin ang parang nagsi-see-saw na COVID cases sa Metro Manila at mga lalawigan, hindi pa rin niya maarok kung papaanong naging "national costume" ang isinuot ni Rabiya sa beauty pageant na parang pakpak.

Sabagay, si Rabiya na rin mismo ang nagsabi na parang naging model siya ng isang sikat na brand ng underwear sa ginawa niyang pagrampa sa naturang bersiyon niya ng national costume.

Mabuti pa raw ang pambato ng Myanmar, simple at walang magarbong pakulo sa kasuotan na parang pang-Igorot version daw ang dating pero nanalo ng Best in National Costume.

May point naman ang kurimaw natin sa napansin niya. Dapat maging leksiyon sa ibang kandidata na lalaban sa mga beauty pageant na dapat talaga eh pag-isipan nilang mabuti ang isusuot nila, at dapat tutugma sa bansa na kinakatawan nila.

Aba'y baka kung sa halip na pakpak eh barong-tagalog na biyak sa likod at nakabahag ang suot ni Rabiya, baka mas may laban siya sa award na best in national costume at baka nakapasok pa siya kahit sa top 10 man lang.

Buweno, balik na tayo sa see-saw na COVID cases. Dapat nga siguro na pag-aralan ng mga kinauukulan ang nangyayaring pagtaas ng mga kaso sa mga lugar na tila hindi natutukan.

Samut saring panawagan na magtiwala sa bakuna pero ano nga bang brand, abay mahirap ipagkatiwala ang buhay sa gusto ng pamahalaan. Malinaw ang eksena nakaraang linggo, hindi ganun katiwala ang publiko kapag made in China.

Sa Pfizer at Moderna na hindi gawang China, halos nagkakauntugan at wala ng social distancing ang tao kahit wala sa listahan, as in nagbabakasali maka-iskor ng US brand, kasing linaw din ng mensahe kung bakit galit ang mga Pinoy sa isyu ng pang-aagaw nila ng isla.

Ang nangyayari kasi, kapag sumipa ang kaso sa Metro Manila at kalapit na lugar, ibubuhos ang atensiyon dito hanggang sa mapababa ang pagdami ng kaso. Ang problema, tila napapabayaan naman ang ibang nasa lalawigan at sa kanila naman ang tataas ang kaso.

Matatandaan na noong Enero na hindi pa problema ang pagtaas ng COVID sa Metro Manila, ang lalawigan ng Cebu ang nagkakaproblema. Nang matugunan nila ang problema noong bandang Marso, unti-unti namang tumaas sa Metro Manila.

At ngayon na bumababa na ang COVID cases sa Metro Manila, may pagtaas naman sa ilang lalawigan tulad sa Cagayan de Oro, Davao City at maging sa Iloilo.

Dahil sa nangyayari, makikita na kailangan din naman sa mga lalawigan ang mga bakuna laban sa COVID. Kaya dapat pag-aralang mabuti ang plano na ibuhos ang malaking bilang ng mga bakuna sa Metro Manila at kalapit na lalawigan.

Bukod din naman kasi sa isyu ng pagbuhay ng mga negosyo sa Metro Manila, dapat din ikonsidera sa distribusyon ng mga bakuna ang mga lugar na mataas na ang kaso ng COVID eh peligroso pa sa kalamidad na dulot ng papalapit na tag-ulan.

Ngayon pa lang, maigi nang mabigyan ng first dose ang mga taong madalas na laman ng mga evacuation center kapag panahon ng bagyo. Nang sa gayun eh kahit papaano ay may panlaban na sila sa virus kapag nagsiksikan na naman sila sa mga evac center na pagdadalhan sa kanila.

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko at madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)