U_Spy: Daig pang bagyo ni COVID-19 variants

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Tulad ng mga bagyo na laging binabantayan ng PAGASA, makapapasok at makapapasok pa rin sa Pilipinas mga tropapips ang mga imported variant ng COVID-19 tulad ng B.1.617 na galing sa India.

Naging biru-biruan na nga ng mga kurimaw nating sabik na sa ulan ang palaging balita na may binabantayang namumuong sama ng panahon ang PAGASA. Pero ang madalas na ending, nakapapasok pa rin ang bagyo sa ika nga'y Philippine area of responsibility.

Pero biro lang iyon mga tropapips ng mga kurimaw dahil wala naman talaga sa kontrol ng PAGASA kung anong road trip ang gustong tahakin ng bagyo. Basta ang PAGASA, susubaybayan lang ang bagyo kung malakas ba ang arrive at kung magiging mapaminsala.

At gaya ng bagyo, kahit anong higpit ang gawin ng pamahalaan sa pagpigil sa mga nagmu-mutate na COVID variant sa abroad, aba'y makakapasok-at-makakapasok din ito sa Pilipinas kahit anong travel restriction ang gawin.

Gaya na lang ng pinakahuling travel restriction sa India dahil sa kumakalat nilang variant ng COVID na B.1.617 at sinasabing malakas makahawa. Hindi pa malinaw kung deadly rin ang naturang variant bagamat napakaraming pasyente ang namamatay sa kanila.

Kaya para mapigilan ang pagpasok ng India variant na COVID, nagpatupad ang Pilipinas ng travel restriction sa mga manggagaling sa India. Nagsimula ang ban sa biyahe noong Abril 29 at tatagal hanggang nakaraang Mayo 14.

Habang isinusulat natin ito mga tropapips, hindi pa natin alam kung palalawigan pa ba ang travel ban.

Ngunit ang nangyari, nakapasok pa rin ang naturang variant ng India sa Pilipinas--at hindi nanggaling sa India ang nagpasok sa bansa ng virus kung hindi galing sa Middle East na dalawang OFW.

April 10 at April 19 dumating sa Pilipinas ang dalawang OFW. Ibig sabihin, bago pa maipatupad ang travel ban ng mga mula sa India. Hindi naman nagtungo sa India ang dalawa--na ang isa ay galing sa Oman at sa UAE naman ang isa pa.

At gaya ng B.1.617 ng India mga tropapips, may iba pang variant ng COVID ang nag-usbungan: ang UK variant (B.1.1.7), South Africa variant (B.1.351), at Brazil variant (P.1), na nang una ring maibalita eh mabilis din daw makahawa.

Kaya nagpatupad din noon ang Pilipinas ng travel ban sa mga nabanggit na bansa pero nakapasok din ang virus sa Pilipinas.

Sa isang datos na inilabas ng Department of Health, lumitaw na 952 na ang UK variant sa Pilipinas, 922 ang gumaling, 22 ang namatay at walo pa ang active cases. Ang South Africa variant, 1,098 na ang kaso sa bansa. Gumaling na 1,076, may namatay na 17 at lima pa ang ginagamot.

Samantalang ang Brazil variant, 2 ang kaso at pareho nang gumaling, na tulad ng dalawang OFW na dinapuan ng India variant.

Ibig sabihin mga tropapips, mahirap talagang mapigilan ang pagpasok sa bansa ng ibang variant ng COVID na galing sa abroad. Kaya ang pinakamahalaga pa rin ay maging handa ang gobyerno sa mga pasilidad at gamit sa mga ospital at quarantine facility sakaling maging totoo na matinding makahawa ang mga virus.

Bukod pa siyempre na dapat mabilis ang pamamahagi ng mga COVID vaccine sa mga lokal na pamahalaan upang maiturok na agad sa mga dapat turukan para mas dumami na ang mga taong magkakaroon ng immunity.

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko at madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)