U_Spy: Walang katapusang droga

Written by Rey Marfil

Kung nagkakaroon na ngayon shortage sa tubig, mukha namang kabaliktaran sa droga kahit pa kabi-kabila ang mga napapatay at nahuhuli. Katunayan, kamakailan lang eh higit P1 bilyon halaga na naman ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad.

Gaya ni Senador Ping Lacson, aba’y napamura rin ang kurimaw nating adik sa katol nang malaman na mga Chinese na naman ang sangkot sa nasabat na mga droga sa Alabang. Una raw na nasakote ng mga operatiba ang tatlong Chinese sa isang buy-bust operaton sa parking lot ng isang mall kung saan nakumpiska ang mahigit 43 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P295 milyon.

Sa follow-up operation, ni-raid nila ang isang bahay sa Alabang at doon na nga nakuha ang 166.5 kilo pa ng shabu na nakalagay sa mga lata ng biscuit at tea na ang halaga ay mahigit P1 bilyon. At hinala ng PDEA, miyembro ng Golden Triangle Syndicate ang mga mokong na Chinese.

Mabuti naman at hindi nanlaban ang mga nahuling Chinese kaya baka mapipigi nila ang mga ito para inguso kung mayroon pa silang ibang kasama. Pero talagang mapapamura ka kung saan nanggagaling ang napakaraming bulto ng droga? Dito pa rin ba sa Pilipinas niluluto ang mga ito, o galing sa ibang bansa?

Hindi ba’t kamakailan naman eh sangkaterbang mas sosyal na drogang cocaine ang bulto-bulto at bloke-blokeng lumutang sa karagatan, partikular sa Bicol region, na ang iba eh nabingwit ng mga mangingisda o kaya naman eh napadpad sa pampang.

Pero kung dito sa Pilipinas ang shabu lab nila, nasaan at bakit nitong mga nakalipas na mga buwan eh wala yatang nababalitang laboratory na nabibisto? Kung imported naman o galing sa ibang bansa, papaano nakalulusot sa Bureau of Customs at iba pang ahensiya, gaya ng tanong ni Sen. Lacson. Aba’y kahit ilang tulak pa at user ang mapatay na pailan-ilan gramo lang ang hawak, hindi mawawala ang droga kung bulto-bulto naman ang kapalit.

Ang dapat talaga, may mga grupong tatrabaho sa mga “big time” pusher gaya ng mga nasakoteng Chinese na ito na daan-daang kilo ang bitbit. Bukod doon, dapat din trabahuhin, kasuhan at ibisto ang sinasabi ni PDEA Chief Aaron Aquino na may mga judge, prosecutor, celebrities at maging taga-media na sangkot din sa droga.

Dati nang sinabi ni Aquino na isang “malaking” celebrity na nakikita raw ng mga tao araw-araw, ang katransaksyon umano ng isang big time supplier ng party drug na ecstasy na napatay sa isang operasyon. Nakita raw kasi sa cellphone ng napatay na supplier ang palitan ng text message ng naturang celebrity na naghahap ng mga ecstasy.

Ang kaso, kung totoo nga na celebrity ang katransaksyon ng napatay ng supplier ng droga at hindi lang basta kapangalan, aba’y tiyak na itatapon na nu’n ang anumang bagay na magdadawit sa kaniya sa droga. Puwede rin kasi niyang sabihin na baka kapangalan lang niya o ginamit lang ang pangalan niya.

Mas maganda sana kung hindi muna isiniwalat ng PDEA ang naturang impormasyon at nagsagawa sana sila ng entrapment para mapatunayan kung celebrity nga ang sinasabi nilang katransaksyon ng drug supplier.

Noon pa kasi nababalita na may mga hukom, piskal, celebrity at taga-media na sangkot daw sa droga pero hanggang ngayon eh wala pa talagang masasabing “big names” na nasasakote. May ilang celebrity na nahuhuli pero hindi naman sikat o kaya naman eh retirado na. Katunayan, nakalaya na nga ang ilan at napawalang-sala o kaya ay pumatak sa kategoryang “user” na kailangan lang ma-rehab at hindi talaga tulak.

Para makapanggulat talaga sa kampanya laban sa droga, bukod sa pagsakote sa mga malalaking sindikato, tiyak na matutuwa ang mga tao kung may maiipresenta ang mga awtoridad ng sinasabi nilang hukom, piskal, celebrity at taga-media, na sangkot kuno sa droga.

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko at madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)