U_Spy: Balik-bitay o balik-tubig?

Written by Rey Marfil

Photo Courtesy: PhilstarPhoto Courtesy: Philstar

Maraming kababayan natin ang tiyak na tumaas ang presyon ng dugo nitong nakalipas na mga araw dahil sa karumal-dumal na krimen na nangyari sa Lapu-lapu City, Cebu, at dahil sa pagkawala ng suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila na dahilan para marami ang bumantot.

Pag-usapan muna natin ang tubig. Ilang araw nang problemado ang mga kliyente ng Manila Water dahil sa limitadong suplay ng tubig kaya marami ang tiyak na wisik-wisik muna sa goli. Pero ang mas mabigat na problema, paano ang pangkubeta?

Ilang establisimyento nga ang kung hindi muna nagsara eh nilimitahan na muna ang operasyon. Pati ang mga eskwelahan at hospital, apektado. Kung wala nga namang tubig na pambuhos sa banyo, aba’y natural na sisingaw ang baho. Ang iba, kaniya-kaniyang diskarte kung saan iigib kung papaano masusulit ang gamit ng tubig.

Ang isa nating kurimaw na bihirang maligo, sa loob daw ng batya nagbabanlaw sa paliligo para masahod muli ang tubig na gagamitin naman niya sa inidoro. Ang pinagbanlawan naman ng labado, puwede pa raw na panghugas ng pinggan. Ang pinagbanlawan ng pinggan, panlinis naman ng sasakyan o sa labanan.

Pero tanong ng ating kurimaw, bakit umabot sa ganito? Dati naman daw eh magdamagan lang na walang tubig ang nangyayari dahil may inaayos lang ang tubo. Pero ngayon, inabot ng ilang araw kaya marami ang uminit ang ulo. At dahil inaasahan ngayon ang El Nino kaya mas kaunti ang ulan at mas matindi ang init, nangangamba ang marami na baka maulit pa ang shortage.

At habang nangyayari ang krisis sa tubig, biglang ibinida ng gobyerno ang konstruksyon ng Kaliwa Dam sa Quezon na pinondohan ng China na makatutulong daw para malutas ang programa sa tubig. Pero tama nga ba mga tsong ang hirit ng ilan na mas mabuti pa raw na walang kuryente sa bahay kaysa ang tubig ang mawala?

Samantala, marami ang nanggigigil sa galit dahil sa sinapit ng 16-anyos na si Christine Lee Silawan, na pinatay, binalatan ang mukha, inalisan ng lalamunan, at pinagsasaksak sa Lapu-lapu City. Kung tutuusin, maraming karumal-dumal na krimen na ang naibalita tungkol sa mga menor de edad na pinapaslang at ginagahasa pa. Pero ang ginawa ni Christine, talaga namang matindi.

Dahil sa nangyari kay Christine, muli na namang uminit ang debate tungkol sa kung dapat na bang ibalik ang parusang kamatayan. Marami kasi ang naniniwala na hindi na tao ang gagawa ng kahayupan na tulad nangyari sa dalagita. Bukod doon, marami rin ang muling nagpakita ng suporta sa kampanya ni President Mayor Digong Duterte kontra-droga dahil sa paniwala nila na lulong sa droga ang nasa likod ng krimen ni Christine.

Habang ginagawa natin ang pitak na ito, wala pang suspek na naaresto ang mga pulis bagaman mayroong tatlong “persons of interest” ang mga awtoridad. Naglaan na rin ng P1 milyon ang lokal na pamahalaan para madakip ang mga salarin.

Ang ilang kontra sa pagbabalik ng parusang kamatayan, nanawagan na huwag magpadala sa emosyon pagdating sa usapin ng death penalty. Para sa kanila, mas mabuting paghusayin muna ang sistema ng hustisya ng bansa na binubuo ng mahusay na imbestigasyon, mabilis na pag-aresto, mabilis na paglilitis, tamang paggawad ng hatol, hanggang sa proseso ng pagpapakulong.

Kung tutuusin daw kasi, noong panahon na umiiral ang death penalty sa bansa, karamihan daw sa mga isinakdal at nahatulan ng kamatayan eh mahihirap na walang kakayahang kumuha ng mahusay na abogado na magtatanggol sa kanila. Malaking bilang din umano ng nahatulan ng kamatayan eh mali ang naigawad na hatol. At higit sa lahat, naniniwala sila na hindi deterrent o hindi kayang pigilan ng death penalty ang isang tao na nais gumawa ng krimen.

Hindi man maibalik sa ngayon ang death penalty, baka patuloy na mangyayari na “nanlalaban” sa mga pulis ang mga pinaniniwalang sangkot sa karumal-dumal na krimen. Pero dapat na nga bang ibalik ang parusang kamatayan? Ano ang pananaw nyo?

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko at madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)