
Maganda ang gagawin ng Department of Interior and Local Government na imbestigahan mga tsong ang mga alkalde na “missing in action” daw noong nanalasa ang ubod nang hangin na si “Ompong” na nagdulot ng mga landslide sa Benguet.
Kung tutuusin, dapat noon pa ginagawa ang paghabol sa pananagutan ng mga “MIA” na lokal na opisyal na hindi mahagilap sa panahon ng pagtama at maging pagkatapos ng pagtama ng kalamidad, partikular ang bagyo.
Baka kung lindol pa iyan at nagkataong napaluwas si mayor sa Maynila o nasa official travel sa abroad, puwede pang makalusot dahil masasabing biglaan ang naturang kalamidad at hindi naman talaga malalaman kung kailan tatama. Pero kung bagyo na inaabot ng linggo ang pagbabantay kung tatama o magiging malakas, aba’y ibang usapan na iyan.
Mantakin niyo kung taga-probinsiya si mayor at alam niya na itong araw na ito ay tatama ang bagyo sa kaniyang lalawigan at sa mismong bayan niya; tapos isa o dalawang araw bago ang “landfall” eh lumuwas siya ng Maynila kasama ang pamilya, aba’y hindi ba parang iniwan niya ang kaniyang mga kababayan?
Batay sa mga lumabas na ulat, nasa 16 na alkalde na mula sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region ang pinagpapaliwanag ng DILG kung bakit sila “MIA” sa kanilang nasasakupan nang tumama sa kanilang lugar si “Ompong.” May ulat pa nga na ang ibang alkaldeng pinagpapaliwanag ay nagpunta pa sa Malacanang isang araw bago ang pagtama ng bagyo.
Pero in fairness sa Cagayan Valley ni Gov. Manny Mamba, parang wala yata tayong nabalitaang naging casualty sa lalawigan. Kumpara sa CAR na may mga namatay, lalo na sa Benguet kung saan naganap ang mga landslide at pinapangambahan na higit 60 katao ang nasawi.
Ngunit hindi lang siguro dapat tungkol sa pagtama ng bagyo dapat singilin ang mga hindi mahagilap na lokal na opisyal. Mas maganda rin siguro na singilin ang mga alkalde kapag nagkaroon ng trahediya sa kanilang nasasakupan na maaaring naiwasan kung naging matindi lang ang kanilang pagkilos. Tulad sa nangyaring landslide sa Itogon, Benguet, at nasundan naman ng landslide sa Naga City, Cebu.
May minahan ng ginto sa bundok ng Itogon, habang may quarry naman sa itaas ng bundok ng Naga City. Kung may mga aktibidad sa bundok at may mga nakatira sa paanan nito, aba’y dapat laging nakikipag-ugnayan ang lokal na opisyal sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para matiyak kung may peligro bang nakaamba kapag nagkaroon ng malakas na bagyo.
Kung tutuusin, may geohazard map ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa mga lugar na peligroso. Kaya kung may malakas na bagyong paparating, aba’y dapat iutos ni mayor na lumikas muna ang mga tao. Hindi dapat katwiran na magmatigas ang mga residente na umalis kaya walang nagawa si mayor. Kapag ganun kasi ang katwiran ni mayor, aba’y mahina siyang lider at hindi na dapat magtagal sa puwesto.
Kaya sa nangyari sa Itogon at Naga City, dapat imbestigahan at pagpaliwanagin din ang mga alkalde nito kung bakit walang paglikas na nangyari. At kung naideklara na pala ng MGB na hindi na dapat tirhan ang isang lugar dahil delikado na sa landslide, bakit nila hinayaang may mga nakatira pa.
Kung lalabas sa imbestigasyon na nagpabaya sa kaniyang trabaho si mayor, suspindihin o sibakin na agad. Huwag nang hintayin ang eleksyon o ipaubaya sa botohan ang pananatili nila sa puwesto. Kapag maraming perang pambili ng boto si mayor at may mga goons, tiyak na makakagawa pa rin 'yan ng paraan para manalo kahit ayaw na sa kaniya ng mga tao.
Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko at madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)
