U_Spy: Sa palakasan ng bagyo

Written by Rey Marfil

Nitong nakalipas na mga buwan o linggo lang, kabi-kabilang malalakas na bagyo ang tumatama sa iba’t ibang bahagi ng mundo, at ilan sa kanila ay muntikan nang tumama sa Pilipinas pero hindi yata natin masyadong napapansin dahil sa lakas ng ingay ng pulitika.

Katunayan, kahit ang bagyong Ompong, na may international name na Mangkhut, na nanalasa na sa Guam at mga kalapit nitong isla at papunta sa Pilipinas, eh muntik pa yatang masapawan ng bangayan nina President Mayor Rodrigo Duterte at Senador Antonio Trillanes.

Dahil inaasahan na kasinglakas ni supertyphoon Yolanda si Ompong, inakala ng marami na magiging bahagi ng “national address,” na naging “huntahan” nina President Mayor at Presidential Chief Legal Adviser Salvador Panelo noong Martes, ang paghahanda sa paparating na bagyo. Ang kaso, mga upak sa “bagyong Trillanes” ang narinig ng mga tao.

Tanong tuloy ng ating kurimaw na mahilig magpaulan ng laway, papaano kaya kapag nagulpi tayo ng magkakasunod na bagyo sa loob ng kahit isa o dalawang buwan na puro kasinglalakas ni Yolanda? Makagulapay pa kaya ang mga Pinoy?

Kung tutuusin, hindi ito malayong mangyari dahil sa nakalipas nga na ilang buwan o linggo lang, ilang malalakas na bagyo ang muntikan nang tumama sa bansa pero masuwerteng lumihis at tumama sa mga kalapit nating teritoryo gaya ng Japan at Taiwan.

Ang malalakas na buhos ng ulan na naramdaman nating nitong nakaraang mga buwan at linggo na nagdulot ng pagbaha ay epekto lang ng “Habagat” na hinatak ng mga bagyo na lumihis o kaya naman ay hindi gaanong kalakasan.

Pero nakita naman natin na kahit “Habagat” o malalakas na ulan lang ang naranasan natin, aba’y binaha na ang maraming kalsada, mga taniman, palayan, at ilang tulay at dike ang nasira. Ang tubig sa gripo, di halos mapakinabangan dahil lumabo. Dito pa nga lang eh dumadaing na tayo at katakot-takot na pinsala na ang ating naramdaman.

At kahit “Habagat” pa lang, binabato na rito ang sisi sa pagtaas ng mga bilihin gaya ng gulay at bigas bunga raw ng mga nasirang pananim. Uulitin natin ang tanong ngayon ng ating kurimaw, papaano kapag tumama ang bagyong kasinglakas ni Yolanda na may kasamang malakas na hangin at mataas na daluyong o storm surge? Handa ba tayo at ang gobyerno?

Habang ginagawa natin ang pitak na ito, hindi pa natin alam ang pinsalang idinulot ni Ompong, o kung nagawa nitong lumihis para hindi rin tumama sa ating kalupaan gaya nang nangyari sa mga naunang mga bagyo. Pero kung posible bang mangyari na tumama sa atin ang magkakasunod na malalakas na bagyo, bakit hindi?

Habang naghahanda tayo kay Ompong, ang Hawaii na katatapos lang daanan ng malakas na bagyo noong nakaraang buwan, naghahanda muli sa isa pang malakas na bagyo, at mayroon ding malakas na bagyo na inaasahang mananalasa sa Corolina at Virginia sa USA.

Ang Japan, magkasunod na tinamaan ng malalakas na bagyo noong Agosto at ngayong Setyembre, na may kasama pang malakas na lindol. Pero dahil kilala na ang Japan sa husay sa paghahanda sa kalamidad, nalampasan nila ang delubyo at hindi masyadong marami ang nasawi kahit matindi ang pinsala sa mga ari-arian.

Pero sa atin na wala naman matinding kalamidad pero mahal na ang mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, gulay, petrolyo, at iba pa; ang mga kalsada ay hindi madaanan kapag binaha kaya paralisado ang kilos ng mga tao, nagkakaaberya ang MRT, LRT at PNR, napaparalisa ang airport kapag may sumadsad na eroplano. Paano kaya ang maipaparating ang ayuda sa mga maa-isolate na lugar para iligtas ang mga tao o madadalhan ng pagkain?

Bukod doon, kung magkaroon kaya ng maramihang paglikas gaya nang nangyari kay Yolanda, may sapat kaya at maayos na lugar na pansamantalang tutuluyan ang mga bakwet, o magsisiksikan sila sa mga silid-aralan at maapektuhan ang pasok ng mga mag-aaral? Ipagdasal natin na huwag sana itong mangyari para hindi natin masabi na “abangan ang susunod na kabanata. Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko at madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey<br< a=""> />