Sa Isyu ng Same Sex Marriage

Written by Ressie S Fos | Romblon News

by Ressie Fos, RomblonNews  | Tuesday, 07 July 2015 

lgbtlgbtNaging mainit ang mga isyu at usapin kaugnay sa 'same sex marriage' na inaprobahan ng korte sa Estados Unidos. Iba't iba ang mga opinyon at pag-intindi ng mga tao, syempre kasama na diyan ang mga netizens. 

Minsan sa isang pagtitipon, may isang babaeng lumapit sa akin (halata ko na ang babaeng ito ay tila tomboy), at nagtanong kung kasalanan daw ba ang pagiging tomboy? Narito ang aking kasagutan sa kanyang tanong. 

 

Sino ba may gusto na ipanganak kang tomboy o bakla?

Kung ikaw ay ipinanganak at habang ikaw'y lumalaki ay napansin mo na iba ang iyong emosyon na hindi mo naman ginugusto at hindi rin naman ginusto ng magulang mo na ipanganak kang ganyan, maihahalintulad ko ang sitwasyon mo doon sa kwento na mababasa sa John 9, kung saan ang Panginoong Hesus at kanyang mga alagad ay nakakita ng isang bulag, at nagtanong ang mga alagad kung sino ang may kasalanan, ang lalakeng bulag ba o ang kanyang mga magulang? Ang naging tugon ni Hesus ay, 'wala ni isa man sa kanila ang may kasalanan kundi niloob ito nang ang mga gawa ng Diyos ay makita sa kanya' - dahil sa oras ding iyon ay pagagalingin ang bulag ni Hesus. 

Sino ba ang ginusto na ipanganak kang bakla o tomboy? Sinong magulang din kaya ang ginusto na ang kanilang maging supling ay bakla o tomboy? 

Ang pagkakasala ay resulta ng paggawa ng isang bagay na taliwas sa kalooban ng Diyos. 

Ang tanong, pag ikaw ba ay bakla o tomboy, gumagawa ka ng bagay na mali sa mata ng Diyos? Kung ikaw ay gumagawa, samakatuwid ikaw ay nagkakasala. Mapatotoong lalake o babae ka man, kung gumagawa ka ng mali sa Diyos ay ikaw ay nagkakasala. 

Ibig kong sabihin, kahit ikaw ay bakla o tomboy, kung nakakaya mong kontrolin ang sarili mo sa isip, pananalita at kilos upang hindi makagawa ng mga aksyon na taliwas sa kalooban ng Diyos, naniniwala ako na ikaw ay hindi nagkakasala, at hindi kasalanan kung ipanganak ka mang ganyan. Kung hayaan mo na maganap ang kalooban ng Diyos sa buhay mo kahit pa ikaw ay ipinanganak na ganyan, masasabi ko na ito ay pareho sa sitwasyong sa buhay mo ay magaganap ang kaluwalhatian Nya, tulad nung bulag. 

Bawal ba ang tomboy o bakla sa simbahan?

Ang bakla o tomboy ay hindi dapat pinagbabawalang pumasok sa mga simbahan. Dahil kung tutuusin, ito ay magiging paraan upang mapakinggan nila ang Salita ng Diyos, at sa pamamagitan nito'y makikilala nila at tatanggapin ang Panginoong Hesus sa kanilang buhay. Sa kapangyarihan ng Santong Espiritu na Syang kikilos sa buhay nila, ito ang kapangyarihan at lakas na makakaya nilang labanan ang tukso at bugso ng kanilang emosyon tungo sa kaparehong kasarian. Kung wala sa pagkilos ng Santong Espiritu sa buhay nila, ito ay malabo nilang mapigilan. Kung wala ang kapangyarihan ng pagkilos ng Banal na Espritu sa buhay natin, hinding hindi natin mapipigilan ang tawag ng laman at mga tukso na aali-aligid sa atin.

Pag-aasawa ng parehong kasarian

Sa puntong ang lalake ay mag-aasawa ng kapwa lalake o babae ng kapwa babae, ito ay nasa pananampalataya at paniniwala ng tao sa Diyos kung saan ang Kanyang mga nais ay nakasulat sa Bibliya.

Malinaw na kung Bibliya ang magiging basehan, isang paglabag sa kalooban ng Diyos ang mag asawa ang parehong kasarian. Ang isyu ngayon ay, kung gaano ba ito pinapanampalatayahan at sinusunod ng tao? Kapag nagpumilit ang parehong kasariang mag-asawa, nangangahulugan na binabalewala nila ang kaloobang ito ng Diyos. Dalawang choices lang naman yun, ang sundin ang kalooban ng Diyos kung nananampalataya sila, or sundin ang kanilang pansariling kagustuhan. 

Bakit kailangan pang isabatas ang pag-aasawa ng parehong kasarian?

Tulad ng nasabi ko na, nasa kung gaano nananampalataya ang mga legislators sa Diyos at kung paano sumusunod sa kalooban ng Diyos.  Sinumang mambabatas na papabor sa ganung batas ay nangangahulugang hindi sya tumatalima sa kagustuhan ng Diyos, o maaring hindi sya naniniwala sa Diyos. 

Kung tutuusin, meron bang batas ang tao sa Pilipinas na nagbabawal sa parehong lalake o parehong babae na magsama sa iisang bubong? Sa pagkakaalam ko ay wala naman. Meron nga ako nabasang komento sa FB, bakit hindi na lang daw nakuntento dun na magsama na lang sila, bakit talaga may kasal pa gayong hindi nga pwede ayon sa pananampalatayang kristyano?  Baka 'yan siguro ang sinasabi nila na karapatan din nila, bagay na personal sa kanila at ayoko ng pagusapan. 

Ang aking conclusion

Ang aspetong ito ay personal. Kung ang pananampalataya ng isang tao sa Diyos ay personal, personal din ang hindi pagsampalataya ng isang tao sa Diyos. Ang pagawa ng pagkakasala sa Diyos o pagsunod sa mga kalooban Nya ay personal na bagay, mapa anong uri ka pa ng tao, ke bakla, tomboy, o totoong lalake o totoong babae. Kung ang choice ng isang tao ay magkasala, choice nya un, while ang iba ang choice ay maging matuwid. Samakatuwid, ang mga isyung ito dapat ay hindi na pinagdedebatehan. 

Kung sa pagsasabatas naman, nasa pananampalataya pa rin ng mga mambabatas. Kung nakararami sa mga mambabatas ay hindi naniniwala sa Diyos o hindi sumusunod sa kalooban at utos ng Diyos, malamang nga maipasa sa Pilipinas ang batas na nagaaproba sa same sex marriage.