Photo: Malacañang Photo Bureau
Dahil nga sa ito na ang huling SONA ng Pangulong Aquino, kung kaya't talagang inabangan ito ng maraming Pilipino sa buong mundo, kasama na ako. Salamat naman sa makabagong teknolohiya natin sa ngayon, dahil sa pamamagitan ng livestreaming, ay napanood ko ang SONA 2015 ni PNoy.
Paunang Tema: Halatang nagpasaring ng pambabatikos ang Pangulo sa nakaraang administrasyon.
Pangwakas na Tema: Halatang nanawagan ang Pangulo na ipagpatuloy ang kanyang motto na 'Tuwid na Daan' na nagbibigay ng senyales na suportahan ang kanyang mga e-endorso sa 2016 elections.
Ang simulan ang SONA sa pambabatikos sa nakaraang administrasyon at ang tapusin ito sa pamamagitan ng panawagan para suportahan ang kanyang plataporma na nagbibigay ng pakahulugan na suportahan ang kanyang mga eendorso sa 2016 elections, para sa akin ay isang tradisyonal na pamumulitika.
Panggitna na Tema: In between, syempre ang SONA ay naglalahad ng mga magagandang nagawa ng Pangulo. Natural naman na hindi isasama sa SONA ang mga hindi naging magandang pangyayari na ipinupukol sa administrasyon o sa Pangulo tulad ng mga isyu sa PDAF, Mamasapano, MRT, at iba pa.
Kung halimbawa kayang pati ang mga hindi magandang nangyari na isinisisi sa administrasyon ay kasamang nilalahad sa SONA, ano kaya ang kahihinatnan ng timbangan ng sambayanang Pilipino sa performance ng Pangulo?
Totoong laging may 'negatives' at laging may 'affirmatives'. Hinding-hindi natin yan matatanggal sa sistema.
Ganun pa man, gaya nga ng claim ng Pangulong Aquino, naniniwala ako na ginawa nya ang lahat ng makakaya nya. Kung hindi man nya naabot ang ating ekspektasyon ay dahil hanggang doon na lang ang kanyang makakaya.
Samantala, sa ginawa ng mga makabayan bloc, para sa akin ito ay taliwas sa kagandahang asal. Bigyan naman nila kahit konting respeto ang Pangulo na pinakamataas ang luklukan na hinalal ng sambayanan. Igalang at respetuhin din ang institusyon ng Kongreso.
Ako man ay inis sa mga kurakot pero hindi selective. Mapa kampo ng administrasyon o oposisyon, kung kurakot ay dapat lahat yan ay pinupuna at nginangawa sa kalye kung yun ang kanilang pamantayan.
Nakakapagtaka nga naman, bakit selective itong mga 'makabayan'? Kaya tuloy naging viral si Mr. Renato Reyes matapos nyang e block ang isang tweeter user na nagtatanong lamang kung bakit daw hindi sila nagrarally against sa mga Binay gayong halatang may sapat na basehan na katotohanan ang mga alegasyon laban sa mga ito? At kung galing daw ba kamo sa buwis ng mamayan ang mga ginagastos nitong mga militante sa mga effigy na kanilang sinusunog?
Sinong Pilipino ang ayaw sa maunlad na bansa? Sinong Pilipino ang hindi galit sa katiwalian? Naniniwala akong lahat tayo ay nais umunlad ang bansa. Alam kong lahat tayo ay ayaw sa katiwaian. Pero dapat sana, kung malinis ang ating intensiyon at walang pansariling interes sa ating mga isinusulong, regardless kung sino nakaupo, kung sino ang administrasyon o oposisyon basta na involve sa katiwalian ay dapat maihayag at maparusahan.



