Dalawa sugatan sa pananaga sa Santa Maria

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Sugatan ang dalawa katao kabilang ang isang menor de edad na babae matapos na tagain ng isang 22-anyos na lalaki sa Barangay Paroyhog, Santa Maria, Romblon nitong gabi ng Linggo, June 24.

Kinilala ang isa sa mga biktima na si Ismael Fernandez Magundato, 25-anyos, habang ang suspek ay kinilalang si John Kenneth Manalon Galicha, 22-anyos, pawang mga residente ng nabanggit na barangay.

Batay sa imbestigasyon ng Santa Maria Municipal Police Station, nagtalo hanggang sa magkahabulan at nauwi sa pananaga sina Galicha at Magundato. Samantala, natigil lang ang gulo ng umawat ang babaeng menor de edad ngunit pati umano siya ay nataga ng suspek.

Nagtamo ng sugat ang babaeng menor de edad habang si Magundato ay nagtamo ng taga sa kamay at sa likod.

Agad na isinugod ang dalawang biktima sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa bayan ng Looc para gamutin; samantala ang suspek ay naaresto ng mga tauhan ng barangay at dinala sa Santa Maria Municipal Police Station.

Nakakulong na si Galicha at nahaharap sa kaukulang kaso.