Photo Courtesy: Facebook/Romblon Provincial Government
Nagpatawag ang majority ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ngayong araw ng special session para pag-usapan ang request ng Provincial Government na pumasok sila sa Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Department of Health MIMAROPA (DOH-MIMAROPA).
Ito ay para sa pagpapagawa at pagsasaayos ng mga ospital ng Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Looc; Malpayon District Hospital sa Corcuera; sa Romblon District Hospital, San Andres District Hospital, San Jose District Hospital, Sibuyan District Hospital, Tablas Island District Hospital, at sa Romblon Provincial Hospital.
Dahil sa Memorandum of Agreement, budget mula sa Department of Health MIMAROPA ang gagamitin pang gastos sa mga nasabing proyekto na aabot sa mahigit P100-million pesos.
Bahagi lamang ito ng P267,376,759.44 na ipagkakaloob ng DOH-MIMAROPA sa probinsya ng Romblon para sa mga health programs nito. Ang nasabing budget rin ang siya sanang pagkukunan para makadagdag ang probinsya ng ng 6 na doctor to the barrio, 36 na nurse, 20 public health associate, 17 na rural health midwife, 4 na dentist, 5 medtech, 16 na universal healthcare implementer, at 2 pharmacists; silang lahat ay ikakalat sana sa buong probinsya para makapagbigay ng serbisyong medical sa mga Romblomanon
Matatandaang sinabi noon sa Romblon News Network ni Governor Firmalo na June 04 pa nila pinasa sa Sangguniang Panlalawigan ang request ngunit matagal umano itong aksyunan ng mga konseho.



