Pagpapaganda sa mga Health Service sa Probinsya, naaantala dahil sa 'matagal na aksyon' ng mga SP members

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Naaantala ang planong pagpapaganda sa mga ospital at local health centers sa lalawigan ng Romblon dahil sa 'matagal umanong aksyon' ng Sangguniang Panlalawigan sa request ng Provincial Government na pumasok sila sa Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Department of Health MIMAROPA (DOH-MIMAROPA).

Ayon kay Governor Eduardo Firmalo ng makapanayam ng Romblon News Network, matagal umanong umaksyon ang Sangguniang Panlalawigan sa kanilang request na pinadala noon pang June 04 sa kanilang opisina.

Malaking bagay sana ang MOA para matuloy ang pagbibigay ng budget ng DOH na makakatulong sa pagpapaganda sa mga ospital ng Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Looc; Malpayon District Hospital sa Corcuera; sa Romblon District Hospital, San Andres District Hospital, San Jose District Hospital, Sibuyan District Hospital, Tablas Island District Hospital, at sa Romblon Provincial Hospital.

Bahagi lamang ito ng budget na ipagkakaloob sa Provincial Government ng DOH-MIMAROPA na aabot sa P267,376,759.44. Makakatulong rin ang budget sa pagpapagaayos ng health centers ng mga bayan ng Alcantara, Banton, Cajidiocan, Concepcion, Calatrava, Corcuera, Ferrol, Looc, Odiongan, Romblon, San Andres, San Fernando, San Jose, at Santa Maria.

Ang nasabing budget rin ang siya sanang pagkukunan para makadagdag ang probinsya ng ng 6 na doctor to the barrio, 36 na nurse, 20 public health associate, 17 na rural  health midwife, 4 na dentist, 5 midtech, 16 na universal healthcare implementer, at 2 pharmacists; silang lahat ay ikakalat sana sa buong probinsya para makapagbigay ng serbisyong medical sa mga Romblomanon.

Sa panayam ng programang Mata ng Bayan sa Radyo Natin Odiongan nitong Sabado, June 30, kay Sangguniang Panlalawigan member Felix Ylagan, sinabi nito na ang nasabing request ay inihabilin sa committee on Health, Legal, at Infrastructure na pinamumunuan nina SP Venizar Maravilla, SP Abner Perez, at SP Andrew Fondevilla.

Sa hiwalay ng panayam ng Romblon News Network kay Ylagan, sinabi nitong lately umano ay laging busy ang ilang mga Sangguniang Panlalawigan member katulad nitong Biyernes, June 29, kaya hindi natuloy ang session dahil walang quorum sa board.

Samantala, sinabi ni Governor Firmalo na hindi umano dapat pinahihirapan ang provincial government pagdating sa mga ganitong programa lalo pa't patungkol ito sa kalusugan ng mga tao sa Romblon.

Inaasahan namang makikipag diyalogo si Governor Firmalo sa mga Sangguniang Panlalawigan member sa mga susunod na araw kaugnay sa kanilang request.

Patuloy namang kinukunan ng pahayag ng Romblon News Network sina SP Venizar Maravilla, SP Abner Perez, at SP Andrew Fondevilla patungkol sa nasabing usapin.