Cong. Madrona at dating mga kasama sa Provincial Government, pinakakasuhan ng Ombudsman

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Sunday, 26 July 2015 UPDATED: 2:44 PM

Image Source: Politiko.ph

Pinasasampahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 - Section (e) o sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang kasalukuyang Congressman ng Probinsya ng Romblon na si Eleandro Jesus Madrona at pito (7) pa nyang dating kasama sa Provincial Government noong siya pa ang dating Gobernador ng lalawigan. Ang nasabing kaso ay kaugnay sa maanumalyang P5-million fertilizer fund scam na isinampa ng dating vice mayor ng bayan ng Romblon na si Lyndon Molino.

RA 3019 (e) - Causing any undue injury to any party, including the Government, or giving any private party any unwarranted benefits, advantage or preference in the discharge of his official administrative or judicial functions through manifest partiality, evident bad faith or gross inexcusable negligence. This provision shall apply to officers and employees of offices or government corporations charged with the grant of licenses or permits or other concessions.

Kasama sa mga pinasasampahan ng Ombudsman sina Geishler Fadri, kasalukuyang Provincial Agriculturist; Ruby Fababeir, dating provincial treasurer; Joel Angcaco Sy, dating provincial administrator; Anthony Rugas, dating Department head ng General Services Office at kasalukuyang board member ng 1st district na lalawigan; Oscar Galos, dating senior provincial agriculturist, isang Richard Lozada at Elisa Morales.

Na-dismissed naman ang parehong kasong isinampa kina Ranilo Fruelda, Oscar Vincent Ylagan Jr., at sa mga private respondents na sina Deonilla Gregorio, Derek Glass, Hep Chef Kin, Andrew Sarinas, at Reginald Gregorio.

Ayon sa kasong isinampa ni Molino sa Ombudsman, 'overpriced' umano ang fertiliver na nabili ng Provincial Government sa isang Feshan Philippines Incorporated noong 2004.

Matatandaang noong February 3, 2004; nag-labas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P728-million para sa Department of Agriculture (DA) para umano sa mga proyekto ng DA na Ginintuang Masaganang Ani (GMA). Isa umano ang Romblon sa mga nakatanggap ng nagkakahalagang P5-million para sa pag implementa ng programa.

Ayon pa kay Molino, nag-request umano si Provincial Agriculturist Geishler Fadri na bumili ng 3,333 piraso ng bote ng liquid organic fertilizer na nagkakahalaga ng P1,500 kada isa at hindi umano ito dumaan sa tamang bidding.

Napag-alaman rin ng Romblon News na ang nasabing liquid organic fertilizer noong 2004 ay nagkakahalga lamang ng P250-P350 kada isa at hindi ito aabot ng P1,500 kada piraso ng bote.

Ayon kay Molino sa kanyang phone interview sa Radyo Natin - Odiongan nitong Sabado, July 25, gusto niya lang lumabas ang totoo at ayaw niyang magkaroon ng credit kaugnay sa decision ng Ombudsman.

Kasabay sa inilabas na desisyon ng Ombudsman para sa matataas na opisyal ng Romblon, naglabas din sila ng desisyon kaugnay pa rin sa fertilizer fund scam para sa ilang local executives ng Visayas at Palawan.

Patuloy namang kinukuhaan ng Romblon News ng pahayag sina Congressman Madrona at 7 pang dawit sa kaso.

Related StoryGeishler Fadri, nanindigang pinapirma lang sila ng Feshan Philippines Incorporated kaugnay ng kaso sa Ombudsman