by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Sunday, 26 July 2015

"Hindi nila dapat kami idinamay diyan."
Yan ang mga binitiwang pahayag ni Provincial Agriculturist Geishler Fadri ng ekslusibong makapanayam ng Romblon News nitong Linggo (July 26, 2015) kasabay ng lumabas na desisyon ng Ombudsman kaugnay sa kasong isinampa sa kanila ng dating Vice-Mayor ng Romblon na si Lyndon Molino.
Ayon kay Fadri, pinirmahan nila ang mga papeles ng mga 'pataba' kahit hindi ito dumaan sa tamang bidding dahil nasa lalawigan na ang mga to ng makita nila ang mga papeles.
"Nagtanong kami sa kanila kung bakit mukhang mahal ang mga bote ng fertilizers, sagot lang nila sa akin, mabuti pa nga ang Romblon ay mayroong delivery, sa ibang probinsya nga wala," dagdag pa ni Fadri.
"Sumusunod lang ako noong oras na 'yon, alangan namang hindi ko pirmahan yung mga delivery ay nandito na." pahayag pa ni Fadri.
Nalaman lang umano ni Fadri na nasa P250 to P350 pesos ang original price ng mga bote ng fertilizer noong nagtanung-tanong na siya sa Manila.
Si Fadri ay isa sa mga kinasuhan ni Molino matapos bumili umano ng overpriced na fertilizer sa Feshan Philippines Incorporated (FPI) noong 2004.
Taong 2004 nang bumili ang Provincial Government ng 3,333 bote ng fertilizer sa FPI na nagkakahalagang P1,500 kada bote.
Ayon kay Fadri, naipamigay ang ilang fertilizer ngunit ang ilan sa mga ito ay nasira lang dahil hindi naipamigay matapos harangin ng ilang personalidad.
Paniniwala ni Fadri, may hinahabol lang na politiko ang ilan sa mga bumuhay sa isyu dahil papalapit na ang 2016 election.
"Alam ko yang iba diyan, may hinahabol lang na politiko. Sana huwag na kami idamay kasi pumirma lang naman kami diyan. Ni-isang kusing wala kaming nakuha dyan." pahayag ni Fadri.
Hindi naman nagkomento si Fadri sa napapabalitang ginamit ang sobrang pera sa pangangampanya ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dating Governor na ngayon ay Congressman Eleandro Madrona noong 2004 Election.
Nagpasa na rin ng Motion for Reconsideration si Fadri at ang ilan pang sangkot sa kaso.



