by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Thursday, 15 October 2015

Naghain na ng certificate of candidacy sa opisina ng Commission on Election sa bayan ng Odiongan ngayong umaga ang dating magkalaban at ngayoy magkasama sa kampanya na sina incumbent Mayor Roger Fodra at dating Vice Mayor Brecio Fajutnao.
Tumaktakbo ang dalawa bilang independent candidates.
Kasama nilang nanghain ang kanilang line-up sa pagka Sanguniang Bayan member na sina incumbent SB Chow Chua at Nicky Faderagao. Kasama rin sa kanilang SB line up ang anak ni incumbent SB Bantang na si Quince Ann Bantang, ang pinakabata at nag-iisang babae sa mga kandidato bilang Sanguniang Bayan Member.
Marami naman ang taga-suporta ng kasalukuyang Mayor ng Odiongan na si Roger Fodra ang tumungo sa munisipyo ngayong araw upang magpakita ng suporta sa kasalukuyang alkalde.
Sinabi rin ni Fodra na hindi kailangang kompleto ang line-up upang maipagpatuloy ang magagandang sinimulan ng yumaong Mayor Baltazar Firmalo.
"Hindi kailangan na kompleto ang aking mga konsehal. Kasama ko ang mga taong sumusuporta sa akin." ayon kay Mayor Fodra.
Sinabi niya rin na hindi siya salungat sa magandang hangarin ni Congressman Madrona kahit na hindi siya ang sinuportahan ng grupong BuLongTik.
"Si Engr. Fodra ay hinding hindi maghihiwalay kay Congressman Madronal. He is my Congressman, Indi ako magbuyag sa ako bossing." pahayag ni Fodra.
Nitong Martes nagsumite na rin ng certificate of candidacy ang makakalaban ni Fodra sa pagka-alkalde na si Trina Firmalo, anak ng kasalukuyang Gobernador ng Probinsya.



