Lolo, arestado matapos manghipo at manghalik ng Grade 10

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Inaresto ng mga tauhan ng Alcantara Municipal Police Station ang isang matandang lalaki matapos itong ireklamo ng panghihipo at di umano'y panghahalik sa apo ng kanyang kumpare nitong gabi ng Sabado, August 10.

Batay sa police report mula sa Romblon Provincial Police Office, bandang alas-6 ng gabi ng dumating ang 65-anyos na matanda sa bahay ng biktima at hinanap ang Lolo ng dalaga.

Nang lumabas ng bahay ang ina ng biktima, linapitan di umano ng suspek ang biktimang grade 10 student at di umano ay hinipuan ang masaling bahagi ng katawan nito sabay halik sa labi nito. Agad na kumawala ang biktima at humingi ng saklolo sa kanyang Ina.

Nagsumbong sa Alcantara Municipal Police Station ang mag-ina kaya agad nilang inaresto ang suspek. Nakalaya rin kinaumagahan ang inirereklamo matapos iatras ng biktima ang demanda laban rito.

Sadyang hindi pinangalan ng Romblon News Network ang mga sangkot para maprotektahan ang katauhan ng biktimang babae.