
Patay ang rider ng isang motorsiklo habang sugatan ang sakay nito matapos maaksidente sa kabahaan ng Tablas Island Circumferential Road sa bahagi ng Barangay San Isidro bayan ng Alcantara, Romblon pasado alas-4 ng hapon nitong Miyerkules, July 31.
Ayon kay Police Staff Sergeant Reniel Fontamillas ng Alcantara Municipal Police Station, umiwas umano ang rider na si Ely Galicia sa isang aso na nasa kalsada dahilan upang mawalan ito ng kontrol sa kanyang sasakyan at maaksidente.
Agad namang dinala ang dalawa sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa bayan ng Looc ng mga rumespondeng health officers at pulis ngunit ilang minuto palang nakararating sa ospital si Ely ay binawian ito ng buhay.
Inilipat naman sa Romblon Provincial Hospital ang asawa nitong kinilalang si Erlyn kung saan siya patuloy na inoobserbahan matapos magtamo ng sugat sa ulo at sa katawan.
Samantala, paalala ni Staff Segeant Fontamillas sa mga may-ari ng aso, maging responsable ang mga ito sa pagtatali sa mga alaga lalo na kung malapit ang kanilang mga bahay sa kalsada.
