
Ang mga damatans mga tropapips, inihahalintulad sa kutsilyong gamit na pangkatay ng manok na panabong ang utak ng mga bata. Matalas ang tawag nila kapag matalino at ismarte ang bata, at mapurol naman kapag ano ang bata ay ano?
Kung bopols o bobo ang sagot mo sa mapurol na isip, aba'y mali 'yon tropapips. Masamang magsabi ng bobo sa bata kaya ang dapat na isagot kapag may ganyang tanong eh hindi katalinuhan. Makasasama kasi sa damdamin ng bata at posibleng makaapekto sa kaniyang paglaki kung sasabihan siyang bobo, tanga at kung ano-ano pa. Aba'y baka makasuhan ka pa ng child abuse.
Sa totoo lang naman mga tropapips, wala naman taong isinilang na bobo. Parang sa hitsura lang yan; walang isinilang na pangit kundi mga magaganda at hindi kagandahan o mga guwapo at hindi kagwapuhan.
Sa mga batang hindi masyadong matalino, baka naman nagkulang lang siya ng kakayanan o karapatan sa edukasyon, o hindi nating madali ang naging pang-unawa niya sa mga aralin kaya naging mahina siya sa klase.
Sa paglipas kasi ng panahon, talaga namang mahirap sa mga bata ngayon ang makapag-aral nang mabuti dahil maraming nang-aagaw ng kanilang atensiyon lalo na ang mga gadget. Aba't fetus pa lang yata ang bata eh naghahanda ng pambili ng smartphone o Nintendo ang mga magulang niya.
Pero marami ang nababahala sa nagiging resulta ng mga pandaigdigang pag-aaral na nangungulelat ang mga batang Pinoy sa pang-unawa sa math at science, at maging sa pagsusulat.
Sa 2019 Trends ng International Mathematics and Science Study (TIMSS), ang Grade 4 Filipino pupils ang lumitaw na pinahuli pagdating sa math at science sa mga bata sa naturang antas mula sa 57 na bansa na kasama sa pag-aaral.
Samantalang sa datos mula sa Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) 2019, lumitaw na hindi rin kagandahan ang resulta para sa mga Grade 5 Filipino pupils pagdating sa husay sa pagsusulat, pagbabasa at math. Mas angat pa ang mga batang mag-aaral ng Vietnam at Malaysia, at kung minsan talo pa ng mga batang Pinoy sa mga mag-aaral ng Cambodia.
Sa resulta ng TIMSS mga tropapips, 297 ang puntos sa math ng mga 4th grade Pinoy pupils, habang 249 naman sa science. Mas mababa ito sa puntos ng mga batang mag-aaral noong 2003, na 358 sa math at 332 sa science.
Sa datos ng SEA-PLM, nakasaad na 29 na porsiyento lang ng grade 5 students na Pinoy ang nasa antas na kayang bumasa at umunawa ng simpleng kuwento, magbigay ng kanilang paliwanag at kahulugan ng kanilang nabasa.
Ang ilang mambabatas, nababahala sa resulta ng mga datos at hiniling sa education department na pag-aralan kung ano ang mga dapat gawin sa basic education para maresolba ang problema at matulungan na mahasa ang tila pumupurol na karungan ng mga bata.
Ang tanong ng kurimaw natin na nagmamalaking street smart siya, hindi raw kaya ang mga guro ang may problema sa itinuturo sa mga bata? O may kinalaman daw kaya ang K-12 program, at ang paraan ng pagtuturo sa mga bata na pilit na tinuturuan sa wikang ingles sa halip na sa wikang ginagamit sa kanilang lugar o "mother tongue?"
Pero ano man ang dahilan, kailangan matugunan ang kalagayan ng edukasyon sa bansa lalo pa't tumitindi ang kompetisyon ng mga bansa sa Asya pagdating sa kalakalan at panliligaw ng mga dayuhan negosyo para makapagbigay ng maraming trabaho.
Sa ngayon, marami pa rin ang nagsasabi na gusto ng mga dayuhan ang mga Pinoy dahil madaling matuto at madaling makaunawa ng ingles. Pero papaano na ang susunod na henerasyon ngayong nakikita na rin natin na humuhusay sa pagsusulat at makikipag-usap sa ingles ng mga kalapit nating bansa.
Bukod diyan, nagkakaroon na rin tayo ng mahigpit na kakompitensiya sa industriya ng business process outsourcing o BPO na isa sa nagbibigay ng napakaraming trabaho sa mga Pinoy. Baka kapag napabayaan ang mga bata ngayon, maging nganga ang susunod na henerasyon.
Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko at madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)
