
Malungkot mga tropapips ang bumili ng “mahiwagang blackbox” ng ABS-CBN dahil sa ginawang hatol ng House Committee on Legislative Franchise na tuluyan nang “kalusin” ang kanilang prangkisa, abay talagang “mahiwaga” dahil naglaho ang lahat ng channel sa isang iglap, yun lang kahit papaano tumabo na mga Lopez sa bentahan.
Kaya marami na rin bumili ng Affordabox para makapaghanda sakaling mawala na rin ang “BlackBox” ng ABS-CBN na nagpapalinaw ng mga free channel sa TV. Mahirap nga naman na mag-aakyat pa sa bubungan at pihitin ng paikot-ikot ang antenna kapag malabo ang signal.
Marami rin tayong mga tropapips ang nakikisimpatiya sa mga maliliit na manggagawa ng ABS-CBN na malamang na madadagdag sa milyon-milyong manggagawang Pinoy na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Sabi sa isang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumobo raw sa 17.7% o tinatayang 7.3 milyon Pinoy ang nawalan ng trabaho mula noong Abril. Hindi ito biro dahil noong Enero 2020 bago pa manalasa ang made in China na COVID-19 virus, nasa 5.3% lang o 2.4 milyon Pinoy ang nakatengga sa bahay.
Kaya lumilitaw na mahigit apat na milyon ang nawalan ng trabaho mula Pebrero, na batay sa pagtaya naman ng Department of Labor and Employment o DOLE, eh nagsabing papalo sa limang milyon na Pinoy ang mawawalan ng trabaho.
Pero sa nangyari sa mga manggagawa ng ABS-CBN, hindi talaga pandemya kung hindi mga tuta ni Speaker Alan Peter Cayetano ang dahilan kung bakit mapapabilang sila sa SBM o Samahang sa Bahay Muna. Ilan kaya sa sinasabing 11,000 kawani ng ABS-CBN ang madadagdag sa mga walang trabaho?
Sabi ng mga kurimaw natin, baka naman kayanin ng ABS-CBN na kahit papaano eh ampunin pa nila ng ilang buwan ang kanilang mga kawani o patuloy na suwelduhan tutal eh malaking kompanya naman sila. Baka nga naman puwedeng magparaya sa malalaking sahod at benepisyo ang mga executives nila at mga big news anchor at stars para sa mas maliliit na kawani.
Kapag nagawa nila ito, maipapakita nila sa mga kongresista na hindi totoo ang paratang na wala silang puso sa kanilang mga kawani na hindi nila nireregular at ginagawa lang talent o contractual para hindi makakuha ng benepisyo.
Pero talaga namang bad timing para sa mga maliliit na kawani ang desisyon ng Kamara dahil nga may pandemic at mahirap maghanap ng malilipatang trabaho. Matindi na rin yata ang kompetisyon sa online selling na gusto na ring buwisan at nagkakabaratan naman sa BPO kahit may mga bakante.
Hirit naman ng isa pa nating kurimaw, kung nakasali raw siya sa deliberasyon ay mas pipiliin niya ang win-win solution kung saan hahayaan niyang bigyan ng pansamantalang prangkisa ang ABS-CBN. Lalagyan daw ng palugit ng ilang taon para maituwid ng network ang mga sinasabing pagkukulang bago ibigay ang talagang prangkisa na 25 taon. Sa ganitong paraan nga naman, hindi mawawalan ng trabaho ang mga empleyado.
Kaya lang sabi ni Congressman Rodante Marcoleta na nag-ala-FPJ sa isang pagdinig bago ang botohan, “Puno na ang salop kaya dapat nang kalusin.” Aba’y tinuluyan nga sa pagkalos kinabukasan ang prangkisa sa botong 70-11.
At sa dami ng mga kongresista na nag-kill vote sa prangkisa, may malakas na puwersa talagang kumilos para hindi na “sikatan ng araw” ang mga kapamilya. Ang malaking tanong ngayon mga tropapips na hindi nasasagot habang isinusulat natin ito—ano ang mangyayari sa frequency ng ABS-CBN na malamang eh marami ang naglalaway na makuha? Abangan kung Simbahang Katoliko o MBC-DZRH ang mananalo sa raffle dahil nauna sa pila ang mga ito.
Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko at madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)
