
Walang banggitan ng pangalan para hindi sumikat. Pero nagmamaktol ang mga tropapips nating solid-Kapamilya dahil parang nabiktima raw ng kongresistang tinawag nilang si “Boy Paasa” ang ABS-CBN at mga tumatangkilik sa network.
Tinanong natin kung bakit “Boy Paasa” ang bansag nila. Sagot ng mga tropapips natin, mahilig daw kasi itong magbibida at mangangako na hindi natutupad. Aba’y swak na swak talaga ang pinasok niyang propesyon na politiko. Hindi naman lahat pero marami kasi sa mga politiko ang “madaling lapitan pero mahirap hanapin,” at “kapag pinangakuan ka, ‘wag umasa na tutuparin kasi kalabisan na.”
Sabagay, hindi lang naman daw ang mga taga-Dos ang nabiktima ni Boy Paasa dahil marami ring mga hikahos ang pinaasa niyang maambunan ng perang ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program. Bago kasi ipatupad ang programa, panay ang kuda ni congressman sa kaniyang Facebook na makatatanggap ng pera ang lahat ng pamilyang mahihirap.
Hindi lang iyon, kung tatlo ang pamilya sa isang bahay, tatlo rin sa SAP form na dapat na matanggap. Bu wait there’s more sa mga sinabing paasa ni congressman, kung may natanggap na raw na iba pang biyaya mula sa gobyerno, iba pa rin daw ang sa SAP. Pero nang magkabigayan na ng SAP form at maging ang ayuda, maraming mahihirap ang luhaan at gutom dahil lumitaw na hindi lahat ay mabibigyan.
Ang kawawa ngayon at napagbutunan ng sisi ng mga tao at pinagdudahan pa, ang mga kapitan ng barangay na hinamon ang kongresistang si Boy Paasa na magpunta sa kanilang barangay at siyang magpaliwanag o mag-abono sa mga umaasang utaw.
At nitong nakaraang Martes, ang ABS-CBN naman ang tila nabiktima daw ni Boy Paasa. Dahil sa halip na Provisional Authority (PA), para patuloy na makapag-ere ang network kahit hindi na-renew ang kanilang prangkisa, aba’y cease and desist order (CDO) ang natanggap ng mga Kapamilya mula sa National Telecommunications Commission (NTC).
Bago kasi nito, tulad ng SAP na panay ang pabida ni Boy Paasa, aba’y panay din ang hirit niya na hindi magsasara ang ABS-CBN kahit hindi nila inaksyunan sa House of Representatives ang panukalang batas na magre-renews prangkisa ng Dos. Mantakin nyo mga tropapips noon pang 2016 ay nandoon na ang panukala pero inabot ng pag-expire ng prangkisa ng Dos ngayong May 2020.
Hindi mo rin masisisi ang NTC kung nagpalabas ng CDO dahil may babala sa kanila na puwede silang kasuhan kapag nagbigay sila ng PA. Ang dapat nga namang pagbuntunan ng sisi eh ang liderato ni Speaker Alan Peter Cayetano na hindi nagbigay ng kumpas na bigyan ng prayoridad ang prangkisa ng Dos. O baka naman daw nagbigay ng kumpas pero iba nga lang, hirit ng kurimaw nating maka-Kapuso.
Habang isinusulat natin ito, wala pa rin sa ere ang Dos at maging ang radio station nilang DZMM. Pero siyempre, may iba pa naman silang paraan para makapag-ulat at makapagpalabas tulad sa kanilang ANC, at news website, Facebook, Youtube at iba pang digital platform. At kung totoo ang nabasa natin sa balita, garantisado pa naman daw ang sahod ng mga kawani ng network hanggang sa susunod na tatlong buwan. Hindi lang natin alam kung kasamang makikinabang dito ang mga talent o contractual.
Sana lang eh bumawi si Boy Paasa at gumawa ng paraan para makapag-operate na muli ang network para sa kapakanan na rin ng mga nagtatrabaho sa network. Malay niyo, baka kapag nabasa nyo ito eh naka-ere na uli ang Dos. Pero habang wala, mabuting 'wag na rin munang mag-FB live si Boy Paasa.
Pero teka, hirit pa nga pala ng mga tropapips natin, ano raw ang nangyari at parang nawalan ng bisa ang tila pagiging padrino ni Senador Bong Go para sa ABS-CBN? Ibig daw bang sabihin eh mas matindi ang powers si Solicitor General Jose Calida sa kaniya?
Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko at madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)
