U_Spy: Ang mga bolerong propeta!

Written by Rey Marfil

Dagdag dalawang linggo sa lockdown aka enhanced community quarantine. Dahil sa lockdown aka ECQ, parang linya sa kantang “Buwan” na mistulang tumigil ang mundo ng marami sa atin at naging tagatunganga sa bahay. Pero hindi lang ikot ng mundo ang tumigil kundi maging ang ikot ng pera dahil sarado ang mga negosyo, marami ang tigil sa trabaho, walang mga tao na nagtatampisaw sa beach, at walang kumakain sa mga restaurant at bumibili ng regalo sa mga graduates.

Ang mga kababayan nating tiba-tiba sa pagbebenta ng mga kandila at palaspas tuwing Mahal na Araw, malamang kasama sa mga nagdarasal nang taimtim na mapansin sana sila ni kapitan at mayor para mabigyan ng relief goods at makasama sa mga maaambunan ng pera sa social amelioration program.

Pero habang isinusulat natin ito, hindi pa rin kaiga-igaya ang mga numerong lumabas sa COVID-19 test dahil pumapalo pa rin sa higit 200 hanggang 300 ang nadaragdag na kaso sa bawat araw. Ang medyo magandang balita, mas marami na ang gumagaling kaysa sa namamatay. Iyon nga lang, nandoon pa rin ang hawahan lalo pa’t marami ang pasaway.

Kung pakikinggan nyo ang mga kuwento ng mga nakaligtas sa virus matapos makaranas ng matinding sintomas ng sakit, aba’y dapat matakot nang lumabas ang mga sabungero, tsismosa, sugarol at iba pang pasaway sa quarantine.

Halos iisa ang matinding idinadaing ng mga nakaligtas sa matinding tama ng COVID-19—hirap silang humingi at inakala nilang katapusan na nila. Ang iba, tuluyang nawawalan ng malay o nako-comatose kaya nilalagyan ng “tubo” para makahinga. Ang iba naman, nagkakaroon ng side-effect sa mga “sinusubukang” gamot na makapagliligtas sa kanila.

Kabilang daw sa side-effect na ito eh paglaki ng puso at tama sa atay. Dahil malalakas ang gamot na ipinapainom, posibleng tamaan din ang bato o kidney. Kaya sinasabing delikado sa mga taong dati nang maysakit sa puso, baga (asthma), bato, diabetic at nakatatanda ang COVID-19 . Hindi lang pala dahil sa pag-atake ng virus sa katawan kung hindi maging ang magiging epekto sa katawan nila ang gamot na ipampapatay sa virus.

But wait there’s more! Kung hindi pa kayo takot sa sakit ng katawan at posibleng kamatayan, baka naman ang ikamatay mo eh ang gastos kapag naratay ka sa pribadong ospital at malagay sa ICU nang maraming araw. Mantakin mong may pasyenteng inabot ng halos P4 milyon ang singil ng ospital. At dahil nagtakda na ng limit ang PhilHealth sa halagang sasagutin nila sa COVID-19 patients, ipagdasal mong ‘wag kang gagastos ng higit P1 milyon.

Kaya ang tanong, isusugal kaya ng pamahalaan ang kalusugan ng mga tao (lalo na sa siksikang Metro Manila) na alisin na ang ECQ sa Mayo para unti-unti nang mabuhay ang kalakalan at nang umusad na muli ang ekonomiya?

Sa pagtaya ng mga ekonomista, talagang tulak o labas talaga ang pera ng gobyerno dahil sa krisis na ito. Masuwerte na nga raw kung makaangat ng 2 porsiyento ang gross domestic product natin sa taong ito ng 2020.

Sabi noong una ng mga manghuhula eh ubod ng suwerte ang Year of the Rat—suwerte pala ha, eh kung “rat-ratin” kaya ng mga nauto nyo ang pagmumukha nyo? Mantakin nyo, nagsibilihan ng pampasuwerte ang mga nautong kumag, as in pinagkakitaan ang bawat prediksyon, sabay benta ng bling-bling. Ang nangyayari, hindi pa nangangalahati ang taon eh ang dami nang problemang nangyari.

At meron pang isang fengshui expert kuno ba napakayabang pang ipangalandakan sa telebisyon tuwing umaga na sobrang suwerte daw ang taong 2020 at lalago ang ekonomiya— ngayon maniniwala pa ba kayo sa mga “sinungaling na propeta” este fengshui expert pala? Ibig sabihin, magdasal at magtiwala sa Diyos o Lumikha, hindi sa mga kwento ng mga sinungaling na nilalang!

Dahil din sa dami ng Pinoy na tinamaan ng COVID-19, hiniling ng mga senador na magbitiw si Health Secretary Francisco Duque III dahil hindi raw bibo at hindi advance mag-isip sa paglaban sa virus. Ang kaso, hindi si Duque ang nagbitiw sa puwesto kung hindi ang economic manager ng gobyerno na si Socioeconomic Planning Secretary at NEDA chief Ernesto Pernia.

Ang tanong, pasilip kaya ito kung ekonomiya o kalusugan/buhay ang mas pipiliin ng gobyerno? Abangan. Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko at madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)