
Tingnan n'yo nga naman, ang bilis talaga ng panahon. Parang kailan lang nang pansamantalang isara ng anim na buwan ang Boracay para isailalim sa rehabilitasyon noong Abril 26, 2018. At pagkaraan ng isang taon, marami na rin namang nagbago sa tinaguring Island Paradise.
Kung dati eh ubod nang ingay ang Boracay kahit malapit na ang Semana Santa, ngayong taon, aba'y tumahimik. Kahit papaano eh nagkaroon siguro ng panahon ang mga bakasyunista na magtika. At kung dati eh mayroong mala-fiestang Laboracay party na ginagawa tuwing May 1, na Labor Day, ngayon ay wala na pero mayroon namang Love Boracay, na selebrasyon daw sa ginawang rehabilitasyon sa isla.
Hindi pa rin naman mawawala kahit papaano ang selebrasyon sa Love Boracay, na sinimulan noong Abril 26 at tatagal hanggang sa May 1. Kahit ipinagbawal na ang mga partey-partey sa beach dahil nakakasira daw sa buhanginan at pinagmumulan pa ng sandamakmak na basura sa beach, puwede naman ang partey-partey sa mga establisimyento. May mga pakulo rin naman sa beach pero environment friendly dapat.
Hirit ng ating kurimaw na pangarap makarating sa Bora, sana raw ay magtuloy-tuloy ang pagbabago at pagpapalinis sa isla. At dapat daw na hulihin at pagmultahin ang lahat na pasaway na lalabag sa mga ordinansa—kahit pa mga dayuhan, kahit pa mga Chinese.
Bawal sa Boracay ang manigarilyo sa pampublikong lugar, at magkalat at kumain sa mismong beach. Kung tutuusin, kahit nga sa mga swimming pool ng mga resort eh bawal kumain. Ang kaso, may mga lumalabag sa ordinansa, na base sa mga ulat, ang una raw na mga violator--mga Chinese.
Hindi naman siguro nakapagtataka na manguna sa listahan ang mga Chinese dahil sankatutak silang nagpupunta sa bansa natin. Kung hindi man una, kasama ang mga Chinese sa top list ng mga dayuhang nagpupunta sa Bora. Kaya hindi na rin kataka-taka na unti-unting tila nagkakaroon ng China Town sa Bora dahil sa pagdami ng mga estalisimyento roon na Chinese ang mga may-ari, at Chinese ang halos lahat ng empleyado.
Bagaman may mga pumapalag sa biglang pagdami ng Chinese establishment mula nang matapos ang rehab ng Boracay, wala sanang masama kung mga Pinoy ang makikinabang sa trabaho. Ang kaso, batay sa mga reklamo ng mga residente sa isla, bukod sa nakasulat sa Chinese ang mga establisimyento roon tulad ng mga tindahan, restaurant, at iba pa, aba'y mga Chinese din daw ang empleyado.
Dapat lang sigurong kumilos dito ang kinauukulang ahensiya para matiyak na hindi maagrabyado ang mga Pinoy. Aba'y inaagawan na nga ng mga Chinese ng trabaho ang mga Pinoy sa construction industry, pati ba naman sa tourism? Natitiyak kaya ng mga kinauukulan na sumusunod ang mga Chinese sa mga paghihigpit sa operasyon ng negosyo doon? Baka naman mga kapwa lang nila Pinoy na may-ari ng establishment ang kaya nilang higpitan?
Sa halip kasi na pakinabangan ng mga Pinoy ang gagastusin ng Chinese habang nasa Bora sila, malaki ang mababawas kung sa mga Chinese establishment din sila titira, kakain, at magtu-tour. Sabagay, wala naman yatang Pinoy na gusto silang i-tour dahil sa bukod sa mahirap silang kausap dahil hindi sila nakakapag-ingles, hindi pa kagandahan ang ugali. Dapat bantayan ang mga iyan sa Boracay at baka kung saan-saan sila dumura, umihi at umebak. Kapag nag-asal dugyot ang mga iyan sa dami, tiyak na mawawalan ng saysay ang rehabilitasyon at magiging cesspool na naman ang Bora.
Ihabol na rin natin ang hirit ng isa pa nating kurimaw na pet lover, tungkol sa ipinalabas na kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB,) na nag-aatas na puwede nang isakay sa mga Public Utility Vehicles (PUVs) ang alagang hayop simula Abril 15, 2019.
Sabi sa kautusan ng LTFRB, puwedeng isakay sa PUVs ang mga pet animals kung nasa carriers/cages, at ilalagay sa compartment ng sasakyan. Aba'y hindi kaya mamatay ang hayop? Puwede rin daw sa loob kung papayag ang driver at hindi magrereklamo ang ibang pasahero. Puwede kayang magsakay ng alagang sawa o buwaya? Kaya hirit ng ating kurimaw, bagaman maganda ang ginawa ng LTFRB,sana raw ay magbigay sila ng mas malinaw ang patakaran tungkol dito.
Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko at madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)
