U_Spy: Pumaypay si Cato!

Written by Rey Marfil

FILE PHOTOFILE PHOTO

Nagsampahan na parang mga pasaherong maiiwan ng bus ang ilang politiko [lalo na ang mga kakandidatong senador na kulelat sa survey] sa panawagan na imbestigahan ang umano’y “data breach” sa mga pasaporte. Pero nawala nga ba o nanakaw ang mga impormasyon ng passport holders gaya ng sinasabi ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin Jr.?

Pero bago natin makalimutan , paalala lang na nagsimula na nitong Enero 13 at magtatapos sa Hunyo 12 ang election period kaugnay ng gaganaping May 2019 midterm elections. Dahil diyan, asahan ang mas matinding police visibility, partikular na ang mga checkpoint.

Sa mga matitinong mamamayan, aba’y pabor sa kanila ang pinaigting na police visibility, basta lang ba walang mga pasaway na pulis. Sa mga alagad ni Taning na naghahanap ng mga mahoholdap o mabibiktima lalo na sa gabi, masamang balita sa kanila ‘yan dahil posible silang masakote.

Sa mga matitinong tao na nagdadala ng baril, dapat malaman ninyo na bawal ang magdala ng boga sa election period kung wala kayong pahintulot mula sa Commission on Elections. At sa mga motorista at rider, tiyakin na dala ninyo ang inyong lisensiya para hindi kayo kabahan kapag nakakita ng checkpoint.

May mga pagkakataon kasi na may mga rider na walang lisensiya na umiiwas sa checkpoint. Natural kapag umiwas ka at nakita ka ng mga pulis, magdududa ang mga iyon at tiyak na hahabulin ka. Ang masaklap, kapag nerbiyoso at segurista ang pulis na hahabol sa’yo eh baka mapahamak ka pa.

Ilan sa mga dapat tandaan sa isang lihitimong checkpoint, dapat nakapuwesto sa maliwanag na lugar ang mga pulis na nagsasagawa nito. Dapat makikita rin ang marka na nakalagay ang Comelec checkpoint at makasulat ang pangalan at contact information ng election officer na namamahala sa lugar. Higit sa lahat, dapat nakauniporme nang maayos ang mga nagmamando nito.

Kung walang atraso ang mga motorista at rider, magdahan-dahan pagdating sa checkpoint, buksan ang ilaw sa loob para makita ng mga pulis ang sakay. Dagdagan din lang ang pasensiya kapag naging mabagal ang daloy ng trapiko dahil sa checkpoint. Linawin na rin mga tsong, hindi pa ito ang simula ng “campaign” period, o panahon na bobolahin, este, panliligaw ng mga kandidato sa ating boto.

Sa Pebrero 12 pa ang simula ng campaign period ng mga kandidatong senador at party-list groups na asahan na babaha ang mga ads sa telebisyon, radyo at social media. Habang sa Marso 30 pa dapat mag-ingay ng “iboto n’yo ‘ko!” ang mga kandidato sa lokal na posisyon tulad ng mga kongresista, mayor at gobernador.


Balikan na natin ang isyu ng umano’y “data breach” sa passport gaya ng sinabi ni Sec. Locsin, na nangyari daw nang matapos o putulin ang kontrata sa French contractor na Oberthur Technologies, na namahala sa maintenance ng makinang gamit sa pag-imprenta ng pasaporte.

Dahil nawala raw ang mga datos at impormasyon ng mga may hawak ng passport, kailangang magsumite ng birth certificate muli ang mga magpaparenew nito. Dahil sa pangamba na nanakaw nga datos ng mga passport holders, kabi-kabilang panawagan ng imbestigasyon ang lumabas.

Pero kung paniniwalaan si dating DFA Sec. Perfector Yasay, at maging ang isang opisyal ng APO Production Unit, Inc., ang namamahala ngayon sa pag-imprenta ng Philippine electronic passports, walang data breach na nangyari. Nagkaaberya lang daw sa pagsasalin ng mga impormasyon dahil magkaiba ng computer “software” na ginamit ang bagong namamahala sa pag-imprenta pero nasolusyunan na.

Ngunit kahit walang data breach na nangyari, may isa pang isyu na dapat pa rin imbestigasyon at malinawan…ito ay ang pagkakaloob umano o pag-subcontract ng APO (na nasa ilalim ng Presidential Communications Operations Office o PCOO) sa pribadong kompanya na United Graphic Expression Corporation (UGEC), na labag daw sa batas, ayon kay Yasay.

May “nangoryente” nga kaya o nagbigay ng maling impormasyon kay Sec. Teddy Boy para pagtakpan ang pagkuha sa serbisyo ng UGEC? Abangan natin . Pero sa ngayon, hindi dapat pahirapan ang mga nagrerenew ng pasaporte dahil sa naturang kontrobersiya.

Hindi naman kaya panibagong teleserye ni Elmer Cato ang kontrobersiya kagaya nung ginawa nilang rescue operation sa Kuwait ni ex-DFA Sec. Alan Cayetano kaya nga kamuntikan sumabit sa Commission on Appointments(CA) ang una. Take note: Si Cato ang pumaypay sa mga hugot ni Teddy Boy sa social media!

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko at madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)