
Isang taon mula nang atakihin ng pro-Islamic State militant group na Maute ang Marawi City, may mga nagtatanong kung bakit wala pa ring naipapakitang master plan para rehabilitasyon ng lungsod ang pamahalaang Duterte.
Kung tutuusin, hindi pa naman dapat apurahin na hanapan ng master plan ang gobyerno dahil hindi pa naman nakakaisang taon mula nang matapos ang kaguluhan sa Marawi. Alalahanin natin na ang ginunita nitong nakaraang Miyerkules, Mayo 23, ay ang anibersaryo ng pagsalakay ng mga terorista.
Tandaan din natin na limang buwang tumagal ang bakbakan at Oktubre 2017 nang ideklara ni President Mayor Duterte na malaya na sa kamay ng mga terorista ang lungsod.
Isa pa, napakalaki ng pinsalang iniwan ng bakbakan sa dami ba naman ng bomba at bala na pinakawalan ng magkabilang panig.
Kaya kung bibigyan ng isang taong palugit ang pamahalaan para makapaglabas ng master plan para sa rehabilitasyon ng Marawi, puwedeng gawin ang pagsingil o paghahanap dito sa darating na Oktubre, o limang buwan pa mula ngayon. Kasi naman, kung ngayon agad natin hahanapan ng rehab plan ang gobyerno, aba’y nakakapitong buwan pa lang mula nang ideklarang malaya na ang Marawi.
Iyon nga lang dapat maging handa na ang gobyerno pagdating ng Oktubre sa pagpresinta ng rehab plan at dapat pulido ito dahil may dalawang big time rehab plan na silang paghahabingan—ang Yolanda rehab at Zamboanga siege plan. Malabo naman sigurong gawin nilang halimbawa ang rehab plan sa mga adik kahit marami rin naman ang mga ito.
Kung lawak ng pinsala ang pag-uusapan, maaaring ihambing ang gagawing Marawi rehab plan sa Yolanda rehab plan. Samantalang kung sa istilo naman ng pinsala ang titingnan, puwedeng ihambing ang Marawi rehab sa Zamboanga siege rehab.
Masuwerte pa kung tutuusin ang kasalukuyang administrasyon dahil bukod sa may paghahambingan na sila ng gagawin nilang rehab plan para sa Marawi, aba’y isa lang ang kailangan nilang ibangon na lugar. Hindi gaya ng nagdaang administrasyon na dalawang matinding pagsubok ang kinaharap at kinailangan pag-isipan kung papaano muling bubuuin mga lugar na sinira ng bagyo at pag-atake ng mga rebelde.
Ang kahanga-hanga pa sa nakaraang administrasyon, nagawa nila ang rehab plan nang walang ipinatupad na dagdag na singil sa buwis; hindi katulad ngayon na may pinag-iinitang Trail Law.
Dapat din maging leksyon sa kasalukuyang administrasyon kung anuman ang kapalpakan na nangyari sa rehab plan sa Yolanda at Zamboanga siege, na hindi na dapat mangyari sa Marawi rehab. Ang kaso, ngayon pa lang eh may mga puna na sa Marawi rehab tulad ng pagkakasama ng dalawang Chinese firm sa grupong naatasang tumulong sa pagbuong muli sa Marawi.
Kinukuwestiyon kasi at pinagdududahan ang integridad ng dalawang Chinese firm dahil na blacklist pala ang mga ito ng World Bank bunga ng umano’y pagkakasabit sa anomalya tungkol sa proyekto ng WB sa Pilipinas.
Ang matindi, nagdeklara na ang Malacanang na hindi nila aalisin ang dalawang Chinese firm sa Marawi rehab group. Kaya huwag magulat kung sakaling may alingasngas na sumingaw sa gagawing rehabilitasyon ng lungsod sa mga darating na panahon. Abangan.
Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)
