U_Spy: Ang numero unong ‘kalaban’ sa tahanan

Written by Rey Marfil

Hindi na maitatago na may bagong problemang kinakaharap ang pamilyang Pinoy, lalo na sa tahanan na mayroong paslit at internet connection—ang mga gadget.

Ang mga dalubhasa sa ilang mga bansa, kinikilala na mga tsong na nagiging problema na sa mga bata ang labis na paggamit ng mga gadget gaya ng smartphone, tablet at laptop.

Ang modernong kagamitan na kinaaliwan natin sa simula, nagiging masamang espiritu na kapag hindi nakontrol ang paggamit kahit sa mga matatanda. Noon, kapag busy si nanay at tatay, bibigyan ng gadget si bunso para manood o maglaro nang kung anu-ano. Paglipas ng panahon, hindi mo na maalis kay bunso ang gadgets.

Kabilang daw sa nagiging ugali ng mga bata na labis ang pagkahumaling sa gadgets ay ang pagiging bugnutin o madaling mainis, mahirap kunin ang atensyon, nawawalan ng interes na makipaglaro sa kapwa bata, at kung minsan ay nawawala na ang respeto sa magulang.

May ilang eksperto rin ang naniniwala na nakakaapekto sa mata ng mga bata ang labis na pagkakababad sa gadgets. Ito kaya ang dahilan kaya maraming bata ngayon ang kailangan nang gumamit ng salamin? Kung tutuusin, dapat magkaroon ng programa ang pamahalaan na libreng check-up sa mata ang mga elementary student para malaman kung sino sa mga bata ang kailangan nang magsuot ng salamin.

Isama rin sa peligro sa mga bata sa paggamit ng gadgets na maaari silang mabiktima ng mga mapagsamantala at manyakis na naglipana sa social media. 

Tinatawag na Screen Dependency Disorder o SDD ang labis na pagkahumaling ng mga bata sa gadgets. Sa ngayon, hindi pa raw alam kung ituturing itong mental health disorder gaya ng ADHD o deficit hyperactivity disorder o autism.

Sa ibang bansa gaya ng Japan, South Korea at Amerika, ikinababahala na rin nila ang dumadaming bata sa kanilang bansa na nahuhumaling sa gadgets. Kaya naman nag-iisip na sila ng paraan kung papaano ito tutugunan bago lumalala ang sitwasyon.

May nagbukas na ng mga counseling center para suriin ang mga bata, habang plano ng Ministry of Education sa Japan na bumuo ng “fasting camps” kung saan bawal ang gadgets. Kahit nga dalawang malaking namumuhunan sa 'Apple,' nanawagan sa gumagawa ng iPhone na maghanap ng paraan para labanan ang lumalalang pagkahumaling ng mga bata sa smartphone.

Kung noon ay manika o stuff toys ang hawak ng mga bata bago matulog, ngayon, nakakatulugan nila sa tabi ang mga gadget. Noon, umuuwing pawisan ang mga bata mula sa pakikipaghabulan sa mga kalaro, ngayon, maghapong nakatitig sa screen ng gadgets. Talaga namang dapat nang ituring isang seryosong problema sa kalusugan [sa isip] ang labis na pagkalulong ng mga tao--bata man o matanda--sa gadgets.

Sa Pilipinas na usad-pagong ang internet connection at pahirapan pa ang pagkuha ng wifi sa mga bahay, maaaring hindi pa huli ang lahat para simulan ng mga magulang ang pagrenda sa mga anak sa paggamit ng gadgets, habang bata pa sila.

Mainam din kung ngayon pa lang ay magplano na at ilatad ng mga kinauukulan ang mga hakbang na kakailanganin para matulungan ang mga batang nahulog at nalulong na sa masamang epekto ng gadgets na parang adik.

Maiging malaman ng mga magulang kung saan sila lalapit kapag nakita nila ang kanilang anak na parang sinapian at nagwawala kapag inalisan mo ng gadget at pinatayan mo ng internet.

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)