U_Spy: Wag puro “photo op” ang DFA kay Joanna

Written by Rey Marfil

Napakalungkot ang sinapit ng kababayan nating si Joanna Demafelis na ginawang “frozen OFW” sa Kuwait. Pero ang tanong, mayroon pa kayang katulad niyang napilitang mangibang-bansa dahil sa hangaring mabigyan ng magandang buhay ang mga mahal sa buhay at bigla na lang nawala?

Masakit man sa pamilya ang nangyari kay Joanna, kahit papaano ay buo na nakita ang matigas niyang bangkay sa freezer. Kaya naman maiuuwi pa siya sa bansa para maipagluksa at mabigyan ng disenteng libing, at maihingi ng hustisya ng kaniyang mga kaanak.

Hindi gaya ng ibang kababayan nating nangibang-bansa na napahamak at nabitay, at pagkatapos ay hindi na pinayagang maibalik pa sa bansa ang kanilang mga labi. Ang iba naman ay halos hindi na makilala ang bangkay, o kaya naman ay tuluyan nang naglaho na parang bula.

Dahil sa umaandar o nakasaksak ang freezer na pinaglagyan kay Joanna, napreserba ang kaniyang bangkay, nakita ang ebidensiya sa ginawang pagmamaltrato sa kaniya, at nagwakas ang mahigit isang taong paghahanap sa kaniya, kahit malungkot ang naging resulta.

Aba’y kung chinap-chop ang kaniyang bangkay at inilibing, o sinunog at tapos flinash [flush] sa inidoro ang abo, baka matagalan pa bago malaman ang kalunos-lunos niyang sinapit, o baka hindi na siya tuluyan pang nakita.

Sa ngayon, ang kaniyang mag-asawang amo na Lebanese at Syrian ang itinuturing pangunahing suspek at pinaghahanap dahil sa kanila ito huling nagtrabaho. Ang malaking tanong ng ating kurimaw, mayroon pa kayang katulad ni Joanna na nawawala at hinahanap ng kanilang mga kaanak?

Sa mga lumabas na impormasyon, Setyembre 2016 nang huling makausap ng mga kaanak si Joanna sa telepono. Ito rin daw ang panahon na huli siyang nakitang buhay ng kapwa OFW na namamasukan ding kasambahay sa katabing unit.

Pero noong Nobyembre 2016, sinabing nagreport ang mag-asawang amo ni Joanna para palabasin na tumakas sa kanila ang kawawang OFW. Ito na rin ang buwan na sinasabing tumakas at umalis sa apartment ang mag-asawa dahil may ibang kinakaharap na kaso na rin pala ang lalaki.

At pag-amin ng mga opisyal ng Philippine Overseas Employment Administration at Overseas Workers Welfare Administration, nagtungo sa kanilang mga tanggapan ang mga kaanak ni Joanna noong January at February 2017 kaugnay ng paghahanap sa kaniya.

Ang masaklap, walang sagot ang mga kinauukulan sa paghahanap kay Joanna hanggang sa aksidenteng makita nitong nakaraang linggo ng mga awtoridad ng Kuwait ang bangkay ng OFW sa loob ng umaandar na freezer, sa inabandonang apartment ng mag-asawang Lebanese at Syrian mula pa noong Nobyembre 2016.

Mantakin n’yo, kung hindi pa nagsilbi ng court order ang mga awtoridad sa Kuwait laban sa mag-asawang Lebanese at Syrian kaugnay sa kinakaharap na ibang kaso, aba’y hindi mapapasok ang apartment at hindi makikita ang bangkay ni Joanna sa freezer.

Sa tagal ng panahon mula Pebrero 2017 nang dumulog ang mga kaanak ni Joanna sa POEA at OWWA, hindi man lang ba lumapit at nagpatulong sa mga awtoridad sa Kuwait ang mga kinauukulang opisyal natin doon para puntahan at hanapin si Joanna sa kaniyang mga amo? Ano ba naman ‘yan? May mananagot kaya?

Ang tanong, mayroon pa kayang mga kaanak ng mga OFW ang dumulog sa OWWA o POEA para magpatulong din na hanapin ang kanilang kaanak na hindi na nila makontak? Kung mayroon, ilan pa kaya ang nawawala nating mga tinaguriang pa man ding mga “bagong bayani”?

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)