U_Spy: Paurong Tayo!

Written by Rey Marfil

Iba na talaga ang nangyayari sa panahong ito. Namamayagpag ang mga kilalang magnanakaw habang nakakalaya ang mga sangkot sa katiwalian.

Kasunod ni dating pangulong Gloria Arroyo, napawalang sala rin itong si pork barrel queen Janet Napoles sa kasong serious illegal detention dahil sa mahinang testimonya umano ng star witness na si Benhur Luy.

Kasunod nito, balak pa ng DOJ na gawin siyang star witness sa isyu ng pork barrel scam. Paano mangyayari ito e samantalang siya nga ang pinaka-guilty sa nasabing iskandalo. Maaari bang gawing star witness ang mismong utak sa nasabing scam?

Sino ba ang makakalimot sa larawan ng anak ni Napoles na nakahiga sa bathtub na puno ng pera o sa pagpapakita niya ng mamahaling gamit at kotse hang bansa ibang bansa.

Sa kabila ng katotohanang ito, patuloy na ginigiit ng DOJ na maaaring gawing star witness si Napoles? At laban kanino?

Tama nga ang sinabi ni Erap na ang buhay ay weder weder lang. Nakulong si Napoles sa panahon ni dating Pangulong Aquino dahil sa katiwalian at pagwaldas ng kaban ng bayan.

Ngayong wala na si PNoy sa puwesto, mukhang nakakita si Napoles ng kakampi kaya ngayon, malulusutan niya ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

Sa takbo ng pangyayari, mukhang magiging karaniwang eksena na ang paglaya o pagpapalusot sa mga taong sangkot sa katiwalian. Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)