
Binasag na nga ni dating Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ang kanyang "self-imposed hibernation" mula sa mapanuring mata ng publiko dahil sa pagkabuhay na muli ng usapin sa Mamasapano.
"No choice" ikanga ang dating pangulo, itinulak na ito sa pader ng mga sumasakay sa isyu.
Sa larangan ng propaganda at pagtatakip-butas pampubliko, isang mahalagang istratehiya o kaparaanan ang paglikha ng mas malaking alingasngas upang kulapulin nito ang mas malaking kontrobersiya o mas napapanahong anomalya - sa pribadong komersyo man, lalung-lalo na sa gobyerno.
Ang tanong: sino ang tumatahak sa kaparaanang ito? Napakadali naman kasing gawin at kombinyenteng target ang dating pangulo.
Unang-una, nananahimik ito at ini-enjoy na ang kanyang retirement sa pampublikong buhay.
Sa huli kong pagkakaalam, ibang PPP na ang pinagkakaabalahan nito - as in pamilya, pamangkin at puwede ring panliligaw.
On the side, balik-musika ang dating pinuno ang bansa. Kilalang aficionado ng makalumang tunog ang dating mama sa palasyo. Kung nais mong upakan, nasa iyo ang "element of surprise" kung ikaw ay tagasunod sa Art of War ni Sun Tzu.
Pangalawa, kombinyente ring magpalipad hangin kay dating SAF Commanding General Getulio Napeñas at gamitin itong peg sa "second coming" ng SAF44 issue. Paparating noon ang anibersaryo ng "mission accomplished" na pagkakahuli sa numero unong terorista sa Asya.
Wala nang mas iingay pang "talking head" sa usapin kundi ang malatubang pinuno na nasadlak sa kontobersiya dahil sa hindi pagsunod sa utos na makipag-ugnayan sa AFP bago ilunsad ang pag-aresto.
Lohikal naman kasing isasalba niya, hanggang sa huling sandali - hindi ang mga tauhan nito - kundi ang sarili.
Pangatlo, kombinyente rin ang magturo sa bagay na ito. Si Napeñas, muling inginuso ang sisi sa dating pangulo. Ang utos ay makipag-koordinasyon sa AFP upang matiyak ang kaligtasan ng kanyang mga tauhang magsisilbi ng mandamyento de aresto, ngunit "time on target" ang ibinulalas niyang dahilan sa mapapanuring tanong sa Senado - sabay nguso sa pangulong nagbigay sa kanya ng pangalawang estrelyang ranggo.
Ikaapat at panghuli, kombinyente rin sa kasalukuyang pamunuan na magturo sa panahong ito kung kailan nasasadlak sa balag ng alanganin ang ipinangangalandakan nitong giyera kontra droga dahil sa pagkakasangkapan dito upang makapangikil, mangidnap, makapatay at makalikom ng yaman mula sa mga kaawa-awang Intsik at Koreano.
At walang mas madaling "dartboard" para sa mga taga-palasyo kundi ang nananahimik nang dating pambansang pinuno.
Sa mga katoto kong nasa media, hindi nga ba isa sa pinakaepektibong taktika sa propaganda ang "pamumusit" o "squid-tactic" lalo na kung sasabayan ng maingat ng "alternative fact" gaya ng pag-ngunguso ni "Pinocchio?" Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)
