
Sa ika-limang araw ng campaign period ng mga lokal na kandidato sa lalawigan ng Romblon, tumungo ang dalawang magkalaban na grupo sa Odiongan at sa mga isla sa Tres Islas.
Ang grupo ni dating Congressman Eleandro Madrona kasama si incumbent Vice Governor Jose Riano, at SP Arming Gutierrez ay nagsagawa ng motorcade sa bayan ng Odiongan kung saan sinamahan sila ng kanilang mga supporters paikot ng buong Odiongan.
Mula sa Poblacion, tumungo sila sa Barangay Canduyong papuntang Anahao, Mayha, Rizal, at Progresso Este at pabalik ng Poblacion. Tinungo rin nila ang rutang Poblacion patungong Barangay Panique.
Kasama ring nag-ikot ang kanilang mga pambato sa SP sa second district na sina incumbent SP Fred Dorado, incumbent Alcantara Mayor Eddie Lota, businessman Robert Maulion, at Dr. Ed Reloj gayun rin ang kanilang mga pambato sa lokal na eleksyon sa Odiongan.
Samantala, sa Tres Islas (Simara, Banton, Sibale) nangampanya ngayong araw ang grupo nina incumbent Governor Eduardo Firmalo, former Mayor Robert Fabella, at SP Felix Ylagan. Nag bahay-bahay sila para umano makasalamuha nila ang mga residente ng nasabing isla.
Kasama nila ang kanilang mga pambatong SP sa first district na sina Roberto Madera, Linda Mingoa, Alfeo Moreno, at dating Mayor Dindo Rios.
Sumama rin sa kampanya ng grupo ni Firmalo ang pambato ng LP at Lakas-CMD sa mga munisipyo sa Tres Islas.
Patuloy na babantayan ng Romblon News Network ang kampanya ng mga lokal na kandidato dito sa lalawigan ng Romblon.



