by Paul Jaysent Fos, with reports from Joseph Gutierrez | Sunday, 18 October 2015
Walong pamilya na nakatira malapit sa dagat sa San Fernando ang maagang inilikas ngayong araw dahil nagtataasang alon sanhi parin ng bagyong Lando kahit hindi tayo direktang apektado ng sentro nito ayon sa Local Disaster Risk Reduction and Management Office ng San Fernando.
Ang mga nasabing inilikas ang dinala muna sa Local Disaster Risk Reduction and Management Office ng nasabing bayan.
Ayon sa pinakuling report ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, maaring ulanin ang buong Luzon ngayong linggo dahil parin sa mabagal na pagkilos ng bagyo.
Ngayong araw, nakaranas ng pabugso-bugsong malakas na hangin at ulan ang halos buong probinsya.
Hindi naman pinayagang bumiyahe ang lahat ng pampasaherong motorbanca patungo sa iba't ibang pantalan sa Romblon dahil parin sa nakataas na gale warning.
Hindi rin buniyahe ang mga barko ng 2Go Travel at Montenegro patungong Batangas dahil nakataas sa lalawigan ang public storm signal number 1.
