Batangas Port trips resume Tuesday as weather improves

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Balik normal na operasyon ngayong alas-8 ng gabi, Martes, ang mga biyahe ng mga barko galing Batangas Port patungong Oriental at Occidental Mindoro matapos tanggaling ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Warning Signal sa lalawigan ng Batangas.

Inaasahan namang babiyahe na rin bukas, Miyerkules, ang mga barko ng Montenegro Shipping Lines Inc. at 2Go Travel galing Batangas Port patungong Odiongan, at Romblon.

Pansamantalang itinigil ang biyahe sa pantalan patungo sa mga probinsya sa Mindoro, Romblon, at Caticlan dahil sa posibleng epekto ng bagyong Rosita sa Batangas.

Huling namataan si Rosita sa layong 145 km Northwest ng Dagupan City, Pangasinan kaninang alas-7 ng gabi, at patuloy na tinatahak ang West Philippine Sea sa bilis na 30kph.

Bukas ng hapon inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo na may lakas ngayong 110 kph malapit sa gitna at bugsong hanggang sa 135kph.