DOT, DENR, DILG ipinag-utos ang rehabilitasyon ng El Nido

Written by Philippine Information Agency

Sasailalim sa anim na buwang rehabilitasyon at paglilinis ang baybayin ng El Nido, Palawan.

Ito ang ipinag-utos ni Kalihim Roy Cimatu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nang bumisita ito sa lugar noong Miyerkules.

Kasama sina Kalihim Bernadette Romulo-Puyat ng Department of Tourism (DOT) at Eduardo Año ng Department of Interior and Local Government (DILG), binisita ni Cimatu ang El Nido upang pangunahan ang pagpupulong ng inter-agency hinggil sa planong rehabilitasyon at paglilinis ng baybaying dinarayo ng mga turista.

Sinabi ni Cimatu na hindi ipasasara ang beach area ng El Nido na katulad sa naging sitwasyon ng Boracay sapagkat tanging rehabilitasyon lamang ang gagawin.

Gayunpaman, ipagbabawal muna sa publiko o sa mga turista ang paliligo sa bahaging baybayin ng Barangay Buena Suerte na may mataas na lebel ng fecal coliform.

“No closure katulad ng nangyari sa Boracay pero yong parte na ‘yon (tumutukoy sa Buena Suerte) na may 1, 300 (parts per million) coliform level, we’ll not allow that to be a swimming area because iyong coliform level niyan mataas, “tinuran ni Cimatu sa kaniyang pakikipag-usap kay Mayor Nieves Rosento.

Aniya, saka lamang papayagan na gawing paliguan ang lugar kung bababa na sa 100ppm ang lebel ng bakterya sa tubig-dagat nito.

Maliban sa nagpapatuloy na demolisyon sa mga establisyementong pasok sa tatlong metrong ‘easement zone’, inobliga naman ni Kalihim Puyat ang lokal na pamahalaan na maglagay ng pasilidad ng water treatment.

Ayon kay Mayor Rosento, sinisimulan na ng LGU ang plano para sa pasilidad at gagawin ito ng kontraktor sa loob ng anim na buwan.

“With this ongoing project on the sanitation rehab by the provincial government, we are very positive that we have to pass within six months rehabilitation kahit hindi pa makapag-operate ang aming central treatment dahil meron din kaming pasilidad ngayon na hindi direktang dadaloy sa dagat ang waste water,” ani Rosento sa press conference.

Tiniyak pa ni Nieves na mabilis nilang mapapababa ang dami ng bakterya sa dagat sapagkat naipasara na ng LGU ang mga establisyemento sa tabing dagat na natukoy na may paglabag at nagdudulot ng polusyon sa tubig.

Bukod dito, iniutos din ng kalihim ng DENR na magtalaga ng lugar na magiging daungan ng mga bangka upang hindi nakakalat sa baybaying paliguan.

Pinuri naman naman ng mga kalihim ng kagawaran ang pamahalaang lokal sapagkat agad naipatupad ang ilang mahahalagang ordinansa katulad na lamang ng pagsunod sa nararapat na dalang kapasidad ng dinarayong Lagoon at pagbabawal ng pag-iihaw ng pagkain at pagkakalat dito.

Samantala, kinumpirma ng LGU na sa kasalukuyan, mula sa 70 establiyementong nakitaan ng paglabag sa ‘easement zone’ batay sa umiiral na batas pantubig ng bansa, walo pa ang hindi nagigiba sa nagpapatuloy na demolisyon. (Leila B. Dagot/PIAMIMAROPA-Palawan)