Pagbiyahe ng mga Fully-Vaccinated individual, niluwagan ng IATF

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Niluwagan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagbiyahe ng mga fully-vaccinated individual sa bansa.

Ito ang inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Linggo sa isang taped briefing.

Aniya, ang mga fully vaccinated ay itong mga taong dalawang linggo ng tapos mabakunahan ng second shot ng two-dose vaccine o di kaya ay ng single-dose vaccine.

Sa IATF Resolution 124-B, papayagan ang pagbiyahe ng mga fully vaccinated senior citizen sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine or modified GCQ.

Kailangan lang nilang ipakita ang kanilang lihitimong COVID-19 domestic vaccination card o di kaya ay certificate of quarantine completion mula sa Bureau of Quarantine.

Sa mga interzonal travel naman, papayagan ang lahat ng fully vaccinated individual na gamitin ang vaccination card o di kaya ay certificate of quarantine completion bilang kapalit sa COVID-19 testing requirement ng isang lokal na pamahalaan.

Sinabi ng IATF na kung sakaling matukoy ang isang indibidwal na isang close contact, o di kaya ay may sintomas ng Covid-19, kailangan niya parin mag-undergo ng seven-day facility-based quarantine.

Samantala, walang kinakailangang test para sa mga asymptomatic close contacts na lampas na sa ikapitong araw ang exposure.

Sa Romblon, mananatili paring ipatutupad ang 14-day mandatory quarantine sa lahat ng dadating sa probinsya ng Romblon mula sa ibang lalawigan base sa resolusyon na inaprubahan ng Regional Inter-Agency Task Force on Emerging Infections Diseases Mimaropa at ng Regional Task Force Against Covid-19 Mimaropa.

Read More: Mandatory quarantine sa mga uuwi sa Romblon, pinalawig

Magtatagal ang kautusang ito ng Regiona IATF hanggang sa ika-15 ng Hulyo.