Pangulong Aquino sa kanyang huling SONA | Photo: Malacañang Photo Bureau
Sa huling State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Aquino III sa Batasang Pambansa nitong Lunes, hiniling ni PNoy na ipasa na ang Anti-Dynasty Law upang pigilan ang paghahari-harian ng mga pamily sa gobyerno.
“Panahon na upang maipasa ang Anti-Dynasty Law,”ayon kay PNoy.
Ayon kay PNoy, hindi sigurado ang mga tao kung malinis ba talaga ang intensyon ng susunod kaya panahon na para ipasa ang isang Anti-Dynasty Law.
“May mali sa pagbibigay ng pagkakataong habambuhay na magpakasasa sa kapangyarihan ang isang tiwaling pamilya o indibiduwal,” wika ni PNoy.
Maliban sa Anti-Dynasty Law, hiniling rin ni Pangulong Aquino sa Kongreso na ipasa na ang Bangsamoro Basic Law (BBL) gayundin ang Fiscal Incentives Rationalization Act at United Pension Bill. Dagdag ni PNoy, matatanggap agad ng Kongreso ang proposed 2016 national budget upang maagang mabusisi ito at maipasa sa takdang oras.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati ay isa-isang pinasalamatan ni Pangulong Aquino ang kanyang Gabinete sa pagsisilbi sa kanyang gobyerno kung saan ay hindi siya iniwan sa loob ng 5 taon.
Ipinagmalaki rin ni PNoy, ang pagtaas ng tiwala ng mga foreign investors na magnenegosyo sa bansa kaya tinagurian ang Pilipinas na Pilipinas na Asia’s Rising Tiger at Asia’s Rising Star ng iba't ibang pamosong news magazine sa mundo.
Sinabi ni Pangulong Aquino na tiwala na ang buong mundo at mga foreign investors sa Pilipinas kaya patas na ngayon ang laban at tinagurian na tayong Asia’s Rising Star at Asia’s Rising Tiger.
Ipinagmalaki rin ni Pangulong Aquino ang pagdami ng mga Overseas Filipino Worker na bumabalik sa bansa para dito na magtrabaho. Pinalakas din ng gobyerno ang programa sa edukasyon at tech-voc upang tugunan ang sinasabing job-mismatch sa pamamagitan ng mga programa ng K to 12 ng DepEd at tech-voc ng TESDA.
Ipinagyabang din ni Aquino na sa loob ng kanyang 5 taon sa gobyerno ay 15 lamang ang natuloy na labor strike kumpara sa 199 strike na nangyari sa nakaraang administrasyon.
Sinabi pa nito, sa simula ng kanyang administrasyon ay itinigil na ang ‘wang wang’ hindi lamang sa kalsada kundi sa gobyerno sa pamamagitan ng daang matuwid kung saan ay hindi sinasayang ang bawat sentimo ng kaban para sa makabuluhang proyekto na pakikinabangan ng taumbayan. Aniya, sa kasaysayan ay nakakolekta ang BIR ng P1.06 trilyon noong 2012 at umabot sa P1.3 trilyon ang koleksyon ng BIR noong 2014 kahit walang bagong buwis bukod sa SIN tax at inaasahang aabot ng 1.5 T sa 2015.
Wala ring nangyaring re-enacted budget sa nakalipas na limang taon ng Aquino administration kaya mabilis na napopondohan ang mga tamang proyekto ng gobyerno. Ipinagtanggol din niya ang ipinatupad na Conditional Cash Transfer kung saan ay umabot sa 4.4 milyong household ang naka-enroll sa CCT kumpara sa dinatnan nilang 786,000 kasabay ang pagmamalaki sa pinalawak na Philhealth benificiaries.
“Boss ito ang konsepto ng kung walang kurap, walang mahirap.. Ito ang pagkalingang tinatawag ng iba na palpak at manhid. Ang tugon ko, sabi nga ni Aiza Seguerra noong araw, I thank you bow,” dagdag pa ni PNoy.



