Parak at Ginang tinumba ng holdaper

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

ni Paul Jaysent Fos, RomblonNews | Saturday, 25 July 2015

Photo: Willie Lavina

Cabuyao, Laguna - Tinumba ng armadong mga holdapers ang isang nagresponding pulis at ang isang ginang na hinoldap ng mga ito sa isang madugong holdapan sa Brgy. San Isidro, Cabuyao, Laguna noong Biyernes ng hapon.

Sa paunang ulat ng Cabuyao Police, pasado ala-1 ng hapon sa tapat ng stop light sa Brgy. San Isidro, Cabuyao ng lalawigang ito nang maganap ang holdapan. Bago ito, nag-withdraw ng P400,000 ang mag-live-in-partner na hindi pa tinukoy ang mga pangalan at magka-angkas sa motorsiklo sa isang bangko sa lugar. Gayunman, sinundan sila ng limang armadong suspek saka pinagbabaril pagsapit sa nasabing lugar kung saan napuruhan ang nasabing misis.

Mabilis namang nag­responde si PO1 Seigfred Angeles na nagkataong nagpapatrolya sa lugar pero inunahan siyang pinaputukan ng sunud-sunod ng mga suspek. Naisugod pa sa Calamba Doctors Hospital ang pulis at ginang pero agad silang binawian ng buhay.

Samantalang masu­werte namang hindi nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang live-in partner ng ginang na nagmamaneho ng motorsiklo. Ang mga suspek ay mabilis na tumakas tangay ang bag ng nasawing ginang na naglalaman ng nasabing pera.

Source: www.philstar.com