NPC handang suportahan ang Grace-Chiz tandem

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

by Paul Jaysent Fos, RomblonNews | Thursday, July 23, 2015

Poe and Escudeo visits Koronadal City to celebrate T'nalak Festival | Photo: Grace Poe/Facebook

Handang suportahan ng Nationalist Peoples’ Coalition (NPC) ang tambalan nina Senator Grace Poe at Senator Francis Escudero kung sila ay tatakbo sa election 2016.

Yan ang isiniwalat nina NPC President Isabela Rep. Giorgidi Agabbao at NPC spokesperson Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa mga taga media kanina sa Cubao, Quezon City.

“Napakaganda ng Poe-Chiz tandem,” sabi ni Agabbao sa mga mamamahayag.

Ayon kay Agabbao, gusto ng mga kapartido nila na suportahan sina Poe at Escudero dahil sila ang pinakamalapit sa partido kahit wala pang opisyal na paninidigan ang NPC kung sino ba talaga ang kanilang susuportahan sa 2016.

“Inirereport namin ang nadidinig namin sa baba,” sabi ni Gatchalian. “Walang makakapigil sa aming mga miyembro kung sino ang kanilang pinapaboran.”

Itinanggi naman ng mga lider ng NPC na kakalas na sila sa koalisyon ng kasalukuyang administrasyon kung sakaling iba ang kanilang mapisil na kandito para sa susunod na halalan.

“Bahagi kami ng koalisyon. Hindi kami kakalas sa koalisyon at ganap ang suporta namin sa presidente,” ayon kay Agabbao.

“Hinihiling naming igalang nila ang aming desisyon,” dagdag niya.

Ayon pa kay Agabbao, kahit anya umalis na sa partido si Escudero, nasa NPC pa rin ang puso at dugo nito. Dagdag pa ni Gatchalian, hindi basta mabubura ang mga relasyon nang dahil lang umalis si Escudero sa partido.

Sinabi pa ni Agabbao na, sa kanilang palagay, si Poe lamang ang makapagsusulong ng adyenda ng administrasyon at ito ay napatunayan sa mga survey na nakikita nila.

Bagamat nag labas na ng mga maaring suportahan ang NPC, nakadipende parin ito kapag nakapag deklara na sina Poe at Escudero sa kanilang balak para sa susunod na taon.