
Muling pinaalala ng Commission on Elections (Comelec) na dapat ang mga barangay officials ay walang kinikilingang kandidato ngayong darating na May 2019 national and local elections.
Ayon kay Odiongan Municipal Election Officer Rey Fabella, ang mga barangay officials ay sakop sa mga bawal mangampanya para sa isang kandidato base sa joint memorandum circular na pinirmahan ng COMELEC at ng Civil Service Commission (CSC) noong 2016.
"Yung barangay official, walang direktang batas na nagbabawal sa barangay official, however merong JMC ang CSC at COMELEC na ipinagbabawal sa lahat ng barangay official, appointed or elected na makihalo sa politika," ayon kay Fabella.
Sinabi ni Fabella na kahit 2016 pa ang JMC na pinirmahan noon nina Civil Service Commission (CSC) Chairperson Alicia dela Rosa-Bala at dating COMELEC Chairperson J. Andres D. Bautista, hindi pa naman ito nababago hanggang sa ngayon.
Batay sa COMELEC-CSC Joint Circular No. 001 s. 2016, masasabi na partisan ang barangay officials kung sakaling sila ay gumawa ng isang bagay na makakapagpanalo o makakapagpatalo sa isang kandidato.
Sinabi rin rito na ang hindi lang kasama rito para maturing na partisan ay ang pagboto, pagpapahayag ng kanyang tingin sa isang problema o issue, o banggitin ang kandidatong kanyang sinusuportahan.
Maliban sa mga barangay officials, pinagbabawal rin ng CSC at COMELEC ang mga empleyado ng gobyerno at ang mga military na maging partisan.



