
Nakipagpulong nitong nakaraang araw ang mga opisyal ng Ceres Transport na pag mamay-ari ng Yanson Group of Bus Companies (YGBC) kay Romblon Governor Eduardo Firmalo at kay San Agustin Mayor Denon Madrona para sa planong pagkakaroon ng biyahe ng bus na rutang Tablas Island, Romblon patungong Manila at pabalik.
Ayon sa source ng Romblon News Network, maglalagay ng station ang Ceres Transport sa San Agustin para sa araw-araw na biyahe ng bus via Montenegro/2Go Travel patungong Batangas at sa Manila.
Sa pahayag ni Romblon Governor Eduardo Firmalo sa kanyang Facebook Page, magandang balita umano ito lalo na para sa mga biyaherong Romblomanon.
Ang Ceres Liner ay inaasahang papalit sa mga rutang iniwan ng Dimple Star Transport matapos ipatigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang provincial operation.
Wala pang opisyal na pahayag ang Ceres Transport at Yanson Group of Bus Companies (YGBC) kaugnay rito.



