
Pinasinayaan ngayong Lunes, September 27, sa bayan ng Santa Maria sa Romblon ang Santa Maria Sports Gymnasium na ipinatayo sa tulong ng opisina ni Senator Christopher Lawrence "Bong" Go.
Ang nasabing gusali ay shared facility at itinayo sa loob ng Romblon State University - Santa Maria Campus ng Department of Public Works and Highways.
Nagsimula ang konstruksyon ng phase 1 nito noong December 2020 at phase 2 nitong April 2021 at pinunduhan ng aabot sa P10M.
Sa isang mensahe, nagpasalamat si Santa Maria Mayor Lorilie Fabon sa mga tumulong para maipatayo ang gymnasium ito lalo na umano sa opisina ni Sen. Go.
Aniya, ang proyekto ay nagsimula lang sa isang request ng Sangguniang Bayan na magkaroon ng gymnasium ang kanilang bayan na pinagbigyan naman ni Sen. Go.
Samantala, sinabi ni RSU Pres. Merian Mani na malaking tulong umano ito lalo na at magagamit ito ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral sa kanilang campus.
"Taos puso ang aming pagtanggap sa ganito at pasasalamat. Pinapangako ko po sa pangalan ng RSU na pangangalagaan ng university ito at welcome po ang lahat rito,'" pasasalamat ni Pres. Mani.
Dumalo rin sa nasabing programa ang iba pang lokal na opisyal ng bayan ng Santa Maria sa pamumuno ni vice mayor Dennis Corpin, at mga kawani ng Romblon State University - Santa Maria Campus.



