Negosyo Center sa isla ng Sibuyan, Romblon bukas na sa publiko

Written by Dinnes Manzo

by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Sunday, 12 July 2015

sanfernandosanfernandoPormal nang binuksan sa publiko ng Department of Trade and Industry (DTI)-Romblon ang kanilang Negosyo Center sa 2nd Floor ng San Fernando Municipal Hall sa isla ng Sibuyan.

Ito ay naglalayong maturuan ang maliliit na mamumuhunan sa mga bayan ng San Fernando, Cajidiocan at Magdiwang na nakabase sa naturang isla para sa wasto at maayos na pagnenegosyo upang umangat ang kita ng mga ito.

Ang Negosyo Center ay itinayo upang makapagbigay ng tamang serbisyo publiko sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) gayundin sa mga dating nang negosyante na nais pang palaguin ang kanilang nasimulan.

Ayon kay Orville F. Mallorca, Provincial Caretaker ng DTI Romblon, magiging katuwang ang Negosyo Center ng mga negosyanteng mamamayan sa tatlong nabanggit na munisipyo dahil sa sari-saring mga serbisyo ang pwede nilang mapakinabangan dito.

Aniya, sa center na ito ay itinuturo ng DTI kung paano magrehistro ng business name, mga serbisyong katulad ng technology transfer, production, management training programs, referrals, marketing assistance, nagbibigay ng payo at pagsasanay sa mga aspeto ng negosyo gaya ng accounting at pricing.

Makatutulong din ito sa mga baguhan o nagnanais na makapagsimula ng kanilang sariling negosyo dahil ang mga entrepreneurs na ito ang makakalikha ng mas maraming trabaho.

Pinasasalamatan ng DTI Romblon ang LGU San Fernando na pinamumunuan ni Mayor Salem Tansingco dahil sa pagbibigay nito ng espasyo sa Municipal Building upang paglagyan ng Negosyo Center.