by Paul Jaysent Fos, RomblonNews | Sunday, 06 September, 2015
Masayang ibinalita ni Congressman Eleandro Jesus Madrona sa mga taga San Fernando, Sibuyan Island na kasama sa 2016 National Budget ang Flood Interceptor Project na hiling umano ni Mayor Salem Tansingco sa Congressman.
Ang nasabing P16.89M Flood Interceptor Project ay malaking tulong umano upang mabawasan na ang madalas na pagbaha sa bayan lalo na kapag umaapaw ang Cantingas River.
Ayon kay Congressman Madrona sa kanyang talumpati sa ginanap na Search for Mr. and Ms. RSU San Fernando 2015 nitong September 04, sinabi niyang ready for implementation na ang proyekto bago siya bumaba sa pwesto sa June 30, 2016.
Nangako rin si Congressman Madrona sa mga estudyante at empleyado ng RSU San Fernando na nagdiriwang ng kanilang 32nd Founding Anniversary na ipapatapos niya na ang pinapagawang gymnasium ng nasabing campus. Magpapagawa rin umano siya ng Supreme Students Council Office at mga palikuran sa loob ng campus.
Ang mga nasabing proyekto umano ay regalo ni Congressman Madrona sa mga estudyante at empleyado ng Unibersidad na hindi tumitigil na imbetahin siya sa mga katulad na pagdiriwang kahit ilang beses na siyang hindi nakadalo dahil sa maraming trabaho.
Kasama ni Congressman Madrona na pumunta sa programa si Calatrava Mayor Bong Fabilla na napapabalitang tatakbo sa mas mataas na pwesto sa 2016.



