
Pagkakalooban ng scholarship sa high school at libreng school uniform ng LGU San Fernando ang mga estudyanteng kabilang sa Top 10 na nagtapos sa elementarya ngayong taon mula sa mga paaralan ng San Fernando Central Elementary School at Campalingo Elementary School.
Bilang incentives sa mga mag-aaral na nagkamit ng karangalan nang sila ay magtapos ng elementarya ay nilayon ng pamahalaang bayan ng San Fernando sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Salem R. Tansingco na sila ay pagkalooban ng scholarship at libreng school uniform.
Layunin ng programang ito na makapagpatuloy sa pag-aral sa hayskul ang mahihirap subalit matatalinong kabataan.
Ang mga makakatanggap ng benepisyong nabanggit ay mga top 10 graduates ng San Fernando Central Elementary School at Campalingo Elementary School upang makapagpatuloy na pag-aaral sa hayskul. Dalawang set ng bagong school uniform ang kanilang matatanggap na magagamit ngayong taon sa paaralan na kanilang pinapasukan.
Samantala, nangako rin si Mayor Tansingco sa Top 10 graduates ng Espana National High School na sila ay pagkakalooban ng scholarships ng bayan ng San Fernando kung sila ay magpapatuloy ng pag-aaral sa Romblon State University (RSU) - San Fernando Campus.
Ang ganitong programa ay binibigay ng pamahalaang lokal ng San Fernando sa mga kabataan upang mas lalo pang magpursige ang mga ito at pahalagahan ang kanilang pag-aaral para makaahon sa kahirapan.
