by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Sunday, 11 October 2015

Mahigit 15,000 pang botante sa lalawigan ng Romablon ang wala pang biometrics at nanganganib na hindi makaboto sa halalan sa 2016.
Sinabi ni Provincial Election Supervisor Atty. Percival C. Mendoza na dati rati ay mahigit 45,000 botante sa lalawigan ng Romblon ang walang biometrics at bunga ng kanilang puspusang kampanya sa pagrirehistro at pagsasagawa ng satellite registration ay bumaba na lang sa 15,900 botante ang walang biometrics.
Kinakailangan aniya na ang lahat ng rehistradong botante ay magpa-biometrics. Ito ay sangayon sa nakasaad sa batas at resolusyon ng Commission on Elections o Comelec upang makaboto sa May 9, 2016 National and Local Elections.
Kaya’t apela niya sa mga wala pang biometrics at maging yung mga magpaparehistrong bagong botante ay bisitahin na ang pinakamalapit na office of the election officer sa kanilang lugar dahil hanggang sa ika-31 ng Oktubre na lamang ang pagpapatala sa Comelec.
Ayon sa Comelec, wala munang voter's registration mula Oktubre 12-16 upang bigyang daan ang filing ng mga Certificates of Candidacy.
