DBM nagbaba ng halos P38-million na Bayanihan Grant sa Romblon provincial gov't

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Nagkaloob ng aabot sa P37,893,321 na Bayanihan Grant to Provinces (BGP) ang Department of Budget and Management (DBM) sa Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon bilang tulong sa badyet ng probinsya sa kanilang pagresponde sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa Local Budget Circular No. 126 na inilabas nitong ika-13 ng Abril, sinabi na aabot sa P6.197-billion ang kabuoang inilabas ng DBM para sa lahat ng probinsya sa bansa.

Katumbas umano ito ng kalahating buwan na internal revenue allotment (IRA) ng isang probinsya ngayong 2020.

Ayon sa DBM, ang nasabing budget ay magagmait lamang sa loob ng anim na buwan simula noong ipinatupad ang State of Calamity noong March 16. Ang pondo umano na hindi magagamit matapos ang State of Calamity ay ibabalik sa National Treasury.

"The BGP shall be released to all provinces to be used as augmentation to the funding requirements for the operation of provincial, district, and other local hospitals operated by the provincial government, and maintenance of duly established provincial checkpoints related to COVID-19, in support to the on-going efforts of the Government to respond to the crisis brought about by the COVID-19 pandemic," ayon sa circular.

Ang nasabing pondo ay maaring gamitin pambili ng personal protective equipment (PPE), mga gamit sa ospital, testing kits, gamot at vitamins, at iba pang supply na katulad ng disinfectants, pagkain, at panggastos sa transportasyon ng mga health workers.

Maari rin umano itong gamitin pambayad sa pagsaayos at pag-upa sa isang establisyemento na pwedeng tuluyan ng isang Covid-19 patient.

Matatandaang nauna ng ibinaba ng DBM ang aabot sa P30.8-billion na Bayanihan Grant para naman sa mga munisipyo at siyudad sa bansa.