ABS CBN, namahagi ng gamit pang-eskwela sa Romblon at Tablas island

Written by Dinnes Manzo

Nabiyayaan ng libreng gamit pang-eskwela sa ikalawang linggo ng pasukan ang 2,000 mga mag-aaral sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa elementarya sa bayan ng Romblon, Calatrava at Sta. Maria.

Ito ay sa pamamagitan ng “Operation Sagip: "Gusto kong Mag-aral Project" ng ABS CBN Lingkod Kapamilya Foundation na siyang nakipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) Division of Romblon upang hingin ang listahan ng mga mahihirap na mag-aaral na siyang napiling benepisyaryo.

Layunin ng proyektong ito na matulungan ang mga magulang na kapos sa pantustos sa gastusin ng kanilang mga anak na nag-aaral.

Sinabi ni Schools Division Superintendent Roger F. Capa, ang inisyatibong ito ng Foundation ay malaking tulong sa mga magulang dahil hindi na nila iisipin pa ang pagbili ng mga school supplies para sa mga bata.

“Halos walang pagsidlan ng tuwa ang ating mga mag-aaral sa Cobrador Elementary School, Logbon Elementary School, Calabogo Elementary School, Lamao Elementary School, Agnaga Elementary School, San Jose Elementary School, Li-o Elementary School, Lunas Elementary School, Palje elementary School, Romblon East Central School, Romblon West Central School, Concepcion Sur Elementary School, Calatrava Elementary School at Silvino G. Gajarion Elementary School dahil sa nakatanggap sila ng bag na naglalaman ng school supplies mula sa ABS CBN Lingkod Kapamilya Foundation” ayon kay Capa.

“Muli nating naipadama sa ating mga mag-aaral ang kalinga at pagpapahalaga gayundin ang maipaunawa sa kanila na sa DepEd, sila ang bida”, pahayag pa ng opisyal.

Nagpasalamat din si Capa kay Bb. Julie Celebre na kinatawan ng ABS CBN at sa bumubuo ng Lingkod Kapamilya Foundation dahil sa tulong na naipagkaloob ng sa mga mag-aaral upang magkaroon ng sariling gamit pang-eskwela. (DMM/MIMAROPA/Romblon)