by Dennis Manzo, Romblon News | Wednesday, 21 October 2015
Pangkalahatang matiwasay ang naging takbo ng paghain ng Certificate of Candidacy (CoC) sa buong lalawigan ng Romblon noong nakaraang linggo sa office of the provincial election supervisor at mga tanggapan ng Comelec sa bawat munisipyo.
Resulta ito ng pagiging handa ang Commission on Elections sa buong isang linggo ng paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga kandidatong tatakbo sa 2016 elections.
Tahimik rin ang naging sitwasyon sa pagsusumite ng kandidatura ng mga magkakatunggaling partido na tatakbo sa kongreso, panlalawigang posisyon at maging sa pambayang posisyon.
Tatlong kandidato ang naghain ng kandidatura sa pagka-congressman, tatlo rin ang magtutungali sa pagka-gobernador at wala namang makakalaban sa pagka-bise gobernador si incumbent Vice Governor Jose R. Riano.
Batay pa rin sa talaan ng Office of the Provincial Election Supervisor, sa unang distrito ay walong kandidato ang nagfile ng CoC upang masungkit ang apat na posisyon sa Sangguniang Panlalawigan (SP) at sa ikalawang distrito naman ay pito ang naghain ng CoC upang maluklok sa apat pang puwesto ng SP.
Sinabi ni Provincial Election Supervisor Atty. Percival C. Mendoza na maaga nilang pinaghandaan ang gawaing ito ng kanilang ahensiya at inasahan na nilang magiging maayos at tahimik ang buong kalakaran ng pagtanggap ng CoC sa tulong ng mga tauhan ng PNP.
Samantala, ipinagpatuloy na muli ng Comelec ang voter’s registration at validation ng mga botanteng wala pang biometrics.
Muling pinaalalahanan ni Atty. Mendoza ang wala pang biometrics at magpaparehistrong bagong botante na bisitahin na ang pinakamalapit na office of the election officer sa kanilang lugar sapagkat hanggang sa ika-31 ng Oktubre na lamang ang pagpapatala sa Comelec.
