by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Monday, 12 October 2015
Tiniyak ni Provincial Election Supervisor Atty. Percival C. Mendoza na handang-handa na ang mga tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa lalawigan ng Romblon para sa pagtanggap ng mga Certificate of Candidacy ngayong linggo.
Sa programang PIA MIMAROPA Hour ay ipinaliwanag nito ang mga alituntunin ng Comelec patungkol sa pagsumite ng kani-kanilang mga CoC.
Para naman umano sa mga hindi pa gaanong nalilinawan sa proseso ng pagpa-file at mga kailangang gawin ay maaring sumangguni sa www.comelec.gov.ph para sa iba pang detalye.
Batay sa Comelec Resolution No. 9984, itinakda ang filing ng CoC sa ika-12 hanggang ika-16 ng Oktubre, mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Nakasaad din sa nasabing Resolution na ngayong taon ay kailangang nasa tanggapan na ng Comelec ang kandidato o kanyang representante na magpa-file ng CoC bago ang alas-5:00 ng hapon sa huling araw ng pagsusumite nito sa Oktubre 16.
Base pa rin sa panuntunan ng Comelec, personal na ihahatid ng bawat kandidato o kanyang kinatawan ang CoC sa Comelec. Hindi tatanggapin ang CoC na ipinapadala sa koreo, electronic mail, o fax.
Kaugnay nito, simula Oktubre 12 hanggang 16 ay suspendido muna ang pagpaparehistro at pagkuha ng biometrics ng mga botante ayon sa Comelec.
