
Nabawasan ang bilang ng mga Romblomanon na naghihirap ayon sa huling pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Base sa nakuhang datos ng PSA, bumaba sa 28.1 bahagdan ang mga naghihirap na taga-Romblon noong 2015 na hindi hamak na mas kaunti kumpara sa 30.4 porsiyento na naitala noong 2012 o may 7.6 porsiyentong kabawasan sa nagdaang tatlong taon.
Ayon kay Lino P. Faminialagao, provincial statistics Officer ng PSA – Romblon, nalampasan ng bilang na ito ang target na itinakda ng pamahalaan para sa taong 2015.
Aniya, alinsunod sa datos na nakalap ng Philippines Statistics Authority (PSA) – Romblon, dalawa sa bawat isandaang pamilya noong 2012 hanggang 2015 ay hindi na maibibilang na mahirap.
Marahil aniya ay resulta ito ng pagpapatupad sa mga Anti-Poverty Program ng gobyerno partikular ang 4P’s o Pantawid Pamilya Program.
Tiwala naman ang PSA - Romblon na magtutuloy-tuloy ang pagbaba ng poverty rate ng lalawiagn sa ilalim ng Duterte administration lalo’t dinagdagan nito ng rice assistance ang mga benepisyaryo ng 4P’s at patuloy na pagkakaloob ng mga proyektong pangkabuhayan sa mga mahihirap na pamilya.
