6 barangay sa Romblon, sinanay ukol sa kahandaan sa kalamidad

Written by Dinnes Manzo

by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Monday, 17 August 2015

Sumailalim sa dalawang araw na disaster preparedness training/seminar ang anim na barangay sa bayan ng Romblon sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management (MDRRM) Council na ginanap kamakailan sa covered court ng Romblon Public Plaza.

Layunin ng pagsasanay na matalakay sa mga Barangay DRRM Council ang kahandaan sa anumang kalamidad gaya ng lindol, bagyo, storm surge, pagbaha at pagguho ng lupa na posibleng mangyari sa kanilang nasasakupan.

Ang mga lumahok sa naturang aktibidad ay mga miyembro ng BDRRMC ng mga sumusunod na barangay: Cobrador, Alad, Logbon, Agtonggo, Agbudia at Guimpingan.

Ayon kay Caesar Saul M. Malaya, pangunahing tagapagsalita sa seminar, na may mga pamamaraan pa umano para maiwasan o maibsan man lang ang mga epekto ng kalamidad. Ito ay kung sa una pa lamang, napaghahandaan ang mga ito kung kaya mas pinaigting pa ng MDRRM Council ang kahandaan sa kalamidad ng lahat ng mga nasasakupa nitong barangay.

May malaking bentahe umano kapag maturuan ang mga mamamayan sa bawat komunidad kung paano makaiwas sa pinsalang dulot ng kalamidad. Kailangang ituon ang oryentasyon o konsepto ng pagtugon sa kalamidad mula sa emergency response lamang tungo sa buong disaster management (pre-disaster, during-disaster at post-disaster), na may diin sa kahandaan bago maganap ang kalamidad (disaster preparedness), pag-iwas at pagbawas (disaster mitigation) ng pinsalang dulot nito at walang magbuwis ng buhay (zero casualty).

Patuloy pa rin aniyang itataguyod ng kanilang tanggapan ang pagmomonitor ng mga panganib at pagbibigay ng nararapat na mga babala, gayundin ang pagtuon ng pansin sa pagsasagawa ng simulation ng mga naturang panganib upang makapagbalangkas ng karampatang paghahanda at pagpaplano para sa maagap na pagtugon.